Pagbenta sa merkado ng COVID vaxx pinaplantsa na ng FDA

Pagbenta sa merkado ng COVID vaxx pinaplantsa na ng FDA

August 21, 2022 @ 4:31 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Pinaghahandaan na ng Food and Drug Administration ang posibilidad na maging available na sa merkado para mabili ang mga COVID-19 vaccination.

Ito ay sa pamamagitan ng pagtatatag ng task force para tumutok sa pag-comercialize ng COVID-19 vaccines ni FDA Director General Dr. Samuel Zacate ay naglunsad ng isang task force.

Tinawag na Taskforce Edward, na pinangalanan sa British physician na si Dr. Edward Jenner na kilala sa kanyang trabaho sa pagbabakuna, ang nasabing task force “ay naglalayon na gawing mas madaling makuha ng mga Pilipino ang ligtas at epektibong mga bakuna sa COVID-19,” ayon sa paliwanag ng FDA.

Ang pagkakaroon ng task force ay mag-streamline o magpapabilis sa pag-apruba at pagsusuri ng mga bakuna sa COVID-19 para maging available sa merkado, idinagdag nito.

Sa ngayon kasi tanging emergency use authorizations (EUA) lamang sa mga bakuna at gamot para sa COVID-19 na napapailalim sa ilang partikular na kundisyon ang ibinigay ng FDA at ng gobyerno ng Pilipinas.

Sa pamamagitan naman ng Taskforce Edward, ang mga COVID-19 vaccines na maaaprubahan ay bibigyan ng Certificate of Product Registration (CPR), sabi ng FDA.

Nangangahulugan ito na maaari nang ibenta sa merkado ng mga lisensyadong medical establishment ang nasabing aprubadong bakuna.

Idinagdag ng ahensya na lilikha ito ng isang espesyal na yunit ng mga eksperto “upang isulong ang layunin at layunin ng Taskforce Edward.”

Hinikayat ni Zacate ang mga pharmaceutical firm na mag-apply para sa pagpapalabas ng CPR o market authorization para sa kanilang mga bakuna sa COVID-19. RNT