Pagbibigay ayuda sa PUV drivers, pabilisin – Eleazar

Pagbibigay ayuda sa PUV drivers, pabilisin – Eleazar

February 21, 2022 @ 7:00 AM 4 months ago


MANILA, Philippines – Ipinapanawagan ni senatorial candidate at dating PNP chief Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar na magkaroon ng “sense of urgency” sa pamimigay ng ayuda sa mga driver ng public utility vehicles (PUVs) upang agad maibsan ang epekto ng serye ng pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo nitong mga nakaraang linggo.

“Sa ating pakikipag-usap sa mga transport groups mula sa samahan ng mga tricycle drivers hanggang sa mga operator at driver ng mga dyip, ay talagang mahapdi na ang epekto ng linggo-linggong pagtaas ng produkto ng petrolyo sa nakalipas na halos dalawang buwan,” ani Eleazar.

Noong Nobyembre pa lamang, matapos makapag-file ng kanyang certificate of candidacy para sa pagka-senador, nakikipagpulong na si Eleazar sa sari-saring sektor, kabilang ang transport groups sa iba-ibang bahagi ng bansa.

Sa mga naturang konsultasyon, makailang ulit na inihayag ng transport groups ang hirap na dinaranas mula nang mag-umpisa ang COVID-19 pandemic, gaya ng malaking bawas sa kita bunsod ng limitadong paglabas ng mga Pilipino.

Napalala pa ito ng serye ng pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo, na umaabot na sa P10.20 kada litro para sa diesel at halos P8 kada litro para sa gasolina mula Enero hanggang Pebrero 15.

“Gutom na at baon pa sa utang karamihan sa mga tricycle at jeepney driver dahil halos wala nan gang pasahero dahil sa pandemya ay sunod-sunod pa ang taas ng produktong petrolyo,” ani Eleazar.

“Kung ramdam ang epekto nito sa Metro Manila at mga malalaking lungsod, mas lalo itong ramdam sa mga munisipyo sa mga malalayong lugar ng ating bansa,” aniya pa.

Suportado ni Eleazar ang mga panukala ng lehislatura upang maibsan ang ang epekto ng oil price hikes sa sektor ng transportasyon, pero ang mahalaga aniya ngayon ay ang Eleazar matulungan ang PUV drivers.

Kabilang sa short-term measures na ipinapanukala ni Eleazar para tulungan PUV drivers ang regular na pamimigay ng ayuda na cash o basic goods, fuel subsidy, at pansamantalang suspensyon ng pagkolekta sa excise tax sa produktong petrolyo sa ilalim ng TRAIN Law. Jan Sinocruz