Pagbibigay ng legal at financial advice sa mga guro aprubado ng Kamara

Pagbibigay ng legal at financial advice sa mga guro aprubado ng Kamara

March 2, 2023 @ 11:59 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Suportado ng Kamara ang hakbang ng Department of Education (DepEd) na bigyan ng legal at financial advice ang mga guro upang hindi na mabiktima ng mga loan sharks.

Ayon kay Rizal Rep. Fidel Nograles, maganda ang hakbang ng DepEd lalo at maraming insidente na mga guro ang nabibiktima ng mga ganitong pananamantala at iba pang mapang-abusong uri ng pangungutang.

“Dahil sa kagipitan, marami sa ating mga guro ang pumipirma ng mga kontratang ikapapahamak nila para may pangtustos sa kanilang pamumuhay, o ‘di kaya’y uutang para pambayad sa iba pang utang. We have to implement steps to ensure that their vulnerability is not taken advantage of by predatory lenders,” paliwanag ni Nograles.

Sinabi ni Nograles na bilang isang abogado ay personal din siyang tutulong sa pagbibigay ng legal advice sa ilalim ng itinatag na foundation na Lakbay Hustisya na nagbibigay ng libreng legal consultation sa mga preso.

“Matagal nang hinaharap ng mga guro natin ang banta ng mga loan shark, at panahon nang kumilos tayo laban rito. Umaasa akong mas marami pang mga abogado ang mag-aalay ng kanilang tulong sa kanila,” giit pa nito.

Ang pagkakaroon ng mga utang ng mga guro ay matagal nang usapin sa loob ng DepEd.

Sa datos ng ahensya, sa Government Service Insurance System (GSIS) pa lamang ay nasa P157.4 bilyon na ang utang ng mga guro noong 2019. Gail Mendoza