Pagbibigay ng police security sa POGO operators, ipinatitigil ni Abalos

Pagbibigay ng police security sa POGO operators, ipinatitigil ni Abalos

October 7, 2022 @ 4:50 PM 6 months ago


MANILA, Philippines – Ipinag-utos ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr. nitong Biyernes, Oktubre 7 ang pagpapatigil sa deployment ng police security detail sa mga dayuhan nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Ito ang sinabi ng Kalihim kasabay ng pagdinig ng Senado makaraan kwestyunin ng mga mambabatas ang deployment ng Philippine National Police Police Security and Protection Group’s (PNP-PSPG) sa mga dayuhan nagtatrabaho sa POGO industry.

“If the Philippines is such a dangerous place for them, e bakit sila nandito to business?” pagsisiyasat ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III.

Kapareho rin ng punto ni Pimentel ang pananaw ni Senator Sonny Angara na sinabing ang mga Pinoy na nagbabayad ng buwis para sa PNP-PSPG personnel at ito ay dapat na mailaan sa mga mamamayan ng bansa at hindi sa mga dayuhan.

Matatandaan na sinabi ni PNP chief Police General Rodolfo Azurini Jr. na ipinag-utos na niya ang pagsusuri sa mga indibidwal na bibigyan ng seguridad mula sa PSPG.

Ipinaliwanag niyang ang mga pribadong indibidwal na ito ay humihiling ng security mula sa PNP-PSPG upang masiguro ang direktang ugnayan sa ahensya.

Dahil dito, suhestyon naman ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa na dating PNP chief, maglabas na lamang ng kautusan si Azurin upang ihinto ang deployment ng PSPG sa mga POGO workers.

“When the issue is very hot about POGO, isang order mo lang yan. ‘Oh PSPG stop providing security to these POGO operators.’ Kasi kung kailangan nila ng maraming security, ibig sabihin they are engaged in a very dangerous business,” ani Dela Rosa.

“They are here to engage not on a legal business baka illegal business ang ginagawa nila kaya gusto nila magkaroon ng maraming security. So isang order mo lang yan, ihinto niyo na yan wag nyo na bigyan ng maraming security,” dagdag pa niya.

Lumitaw rin ang impormasyon na may ilan umanong bodyguard ng mga malalaking personalidad sa POGO ang pumipigil sa mga Pinoy na magpunta sa lugar katulad ng public restroom kapag naroon ang kanilang mga boss.

“In order to clear your organization, sabihan mo stop deploying security to these POGO operators para matapos na yang issue na yan habang mainit,” pagdidiin ni Dela Rosa.

“I’m directing our chief to look into this. Number one, kasuhan ang dapat kasuhan hindi puwede yung iihi yung foreigner, hindi pwedeng pumasok. Ito nasa Pilipinas tayo, hindi puwede ito,” dagdag pa niya.

Sa panayam naman ng mga mamamahayag, sinabi ni Abalos na ang kautusan pagpapahinto sa deployment ng police security sa mga POGO workers ay agaran ipatutupad. RNT/JGC