Pagbibigay proteksyon, benepisyo sa caregivers, isusulong sa Senado

Pagbibigay proteksyon, benepisyo sa caregivers, isusulong sa Senado

December 9, 2022 @ 5:37 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Tiniyak ng Senate Committee on Labor, Employment, and Human Resources Development na mabibigyan ng sapat na proteksiyon laban sa pang-aabuso, harassment, karahasan at pagsasamantala kabilang ang pagbibigay ng kaukulang benepisyo sa lahat caregivers.

Sa pahayag, sinabi ni Senador Jinggoy Estrada, chairman ng komite na nakatakdang busisiin ng Senado ang panukalang Senate Bill No. 1140 o ang panukalang “Caregivers Welfare Act,” na magbibigay proteksiyon at benepisyo sa naturang sektor.

Kabilang sa benepisyong itatakda sa panukalang batas ang monetization sa hindi nagamit na annual service incentive leave.

“Nais nating bigyan hindi lang ng insentibo pati na rin ng dignidad ang mga caregiver sa lahat ng sulok sa ating bansa,” ani Estrada, may-akda ng Senate Bill No. 1440 o ang panukalang “Caregivers Welfare Act,” aniya.

Nakatakdang magsagawa ng pagdinig si Estrada sa Lunes, Disyembre 12 sa nasabing panukala na may katulad na bersyon na inihain nila Senador Loren Legarda, Sonny Angara, Francis Tolentino, at Ramon Revilla Jr.

Paliwanag ni Estrada sa kahalagahan ng nasabing panukala, hindi nabibigyan ng nararapat na benepisyo ang mga caregiver na mataas ang demand sa kanilang serbisyo lalo na sa labas ng bansa.

“Ang mga caregiver ay kadalasang hindi nabibigyan ng sapat na sahod at napipilitang magtrabaho ng mahabang oras. Mabigat ang tungkuling ginagampanan ng ating mga caregiver kaya nararapat lamang na pahalagahan ng gobyerno ang kanilang propesyon at tugunan ang kawalan ng proteksyon at benepisyo sa kanilang hanay,” ani ng mambabatas.

Nilalaman ng SB 1440 ni Estrada ang panukalang patnubay para sa paghahanda at pagpapatupad ng mga employment contracts, pagsumite ng pre-employment requirements, bilang ng oras ng trabaho, minimum wage, pagbabayad ng sahod, leave and other benefits, hindi pagbawas ng benepisyo, proteksyon mula sa hindi makatarungang pagkatanggal sa trabaho, proteksyon sa mga tinanggap sa pamamagitan ng private employment agencies, settlement of disputes, tungkulin ng caregivers at mga pangunahing pangangailangan na dapat ipagkaloob ng mga employer.

Sa mungkahi ni Estrada, dapat nasa walong oras ang bawat shift at ang karagdagang oras ay dapat masakop ng mandatory overtime pay. Dapat din aniya na nasa minimum wage ang sahod ng mga caregiver o batay sa naaangkop na minimum na sahod ng nasasakupang rehiyon.

Naglagay din ng probisyon si Estrada sa pagbibigay ng taunang annual service incentive leave na hindi bababa sa limang araw para sa mga caregiver na nakapanilbihan na isang taon at ang mga hindi nagamit na annual leave ay mabibilang sa susunod na taon.

Ang mga hindi nagamit na service incentive leave ay maaaring i-monetize, aniya.

Itinitutulak din ni Estrada na mapasailalim sila sa Social Security System (SSS), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at Home Development Mutual Fund (HDMF) o Pag-IBIG at makakuha ng iba pang benepisyo na naaayon sa batas.

“I actually filed this bill as early as 2014. I re-filed this bill para mabigyang buhay ulit itong panukalang batas na makapagbibigay insentibo at proteksyon para sa ating mga caregivers,” aniya. Ernie Reyes