Pagbibigay sa COVID claims nagpapatuloy – ECC

Pagbibigay sa COVID claims nagpapatuloy – ECC

November 11, 2022 @ 4:19 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Nagpapatuloy pa rin ang ginagawang pagbibigay ng claims para sa mga empleyadong tinamaan ng COVID 19.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Employees Compensation Commission OIC-Executive Director Engr. Jose Maria Batino na patuloy ang pagpoproseso ng mga claims noon pang Oktubre hanggang Disyembre 2021.

Winika pa nito na nabanggit sa kanya ng nakaraang pinuno ng ECC na umabot na sa kulang-kulang 20,000 ang nagpasa ng aplikasyon sa claims.

Sa kasalukuyan, naga-update na aniya sila ng datos at nagbigay na rin siya ng direktiba ukol dito.

Sa kabilang dako, sa harap nito ay tiniyak ng ECC na may pondo para sa pagbabayad ng cash assistance habang magbibigay din aniya sila ng abiso sa mga claimant ng kani-kanilang status.

“Tuluy-tuloy naman po iyong pagbibigay ng disability, sickness benefits; tuluy-tuloy po ang medical benefits at ang medyo nahinto lang po ay iyong cash assistance,” ayon kay Batino sabay sabing “I think noong nakaraang July ay na-interview ninyo iyong former Executive Director, si Director Stella Banawis na kung saan sinabi niya na ang claims for COVID ay umabot na ng kulang-kulang 20,000. So, ang pinoproseso po namin ngayon ay iyong mga claims from October to December 2021.”

“So again, uulitin ko po, tuluy-tuloy po iyong pagproseso ng claims pagdating sa sickness benefits, funeral benefits. Pero iyong cash assistance, medyo nahinto lang po. Pero just the same, pinoproseso po namin iyong mga pending claims na nai-lodge na po dito sa aming opisina,” lahad nito. Kris Jose