Pagbiyahe ng VCMs sa mga polling precincts sa Cotabato City, nauwi sa tensyon

Pagbiyahe ng VCMs sa mga polling precincts sa Cotabato City, nauwi sa tensyon

May 8, 2022 @ 11:49 AM 2 months ago


COTABATO CITY – Nagkaroon ng tensyon sa proseso ng pagbiyahe ng mga vote counting machines (VCMs) sa iba’t ibang polling precincts sa lungsod na nagresulta ng delay na dating ng mahigit 90,000 election device.

Sa isang interbyu, sinabi ni Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Interior Minister Atty. Naguib Sinarimbo na nagsimula ang tensyon nang tumanggi ang Cotabato City Police na eskortan ang election officer sa paghahatid ng mga VCM sa mga polling precincts kahapon.

“Ang nag-trigger ng tension ay kahapon nung umaga, ‘yung election officer ay ready na i-dispatch na ‘yung mga VCMs para sa final testing at sealing ng VCMs sa mga eskwelahan. Around mga 12 o 1 ng hapon. Ang problema, nung ita-transport na ang VCMs, ayaw i-escort ng city police,” ani Sinarmbo.

Nakatakda sanang isalang ang mga VCM sa final testing and sealing ngayong Linggo.

Sa kabilang banda, sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na may mga kalalakihan nambato umano sa mga pulis at sinubukan silang pigilan sa pagbiyahe ng mga VCM.

“Base sa initial na information na aming natanggap, meron ngang insidente na nangyari sa lugar na iyon kung saan may ilang grupo ng kalalakihan na pinagbabato ‘yung mga pulis natin doon, ‘yung sasakyan. Ayaw nilang palabasin, hinarangan po nila ‘yung paglalabas ng VCMs na galing sa Comelec at nagkaron ng tensyon,” she said.

Ayon kay Fajardo, kagabi ay nagdagdag na sila ng mga tauhan ng PNP maging ng Armed Forces in the Philippines (AFP) sa mga headquarters nila sa Cotabato para tiyaking magiging mapayapa ang pagdaraos ng halalan bukas. RNT/ JCM