Pagboto sa loob ng malls kinokonsidera sa BSKE 2023

Pagboto sa loob ng malls kinokonsidera sa BSKE 2023

January 25, 2023 @ 10:55 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Tinitignan ng Commission on Elections ang posibilidad na pagsasagawa ng pagboto sa mga mall para sa Barangay at Sangguniang Kabataang (BSK) elections sa Oktubre.

Sa ceremonial launch ng register Anywhere Program (RAP) site sa House of Representative complex, sinabi ni Garcia ang pagboto sa loob ng malls ay magiging kumbinyente para sa mga botante sa halip na magpunta sa mga eskuwelahan

“Naisip na rin ng commission na kung kaya nating magpa-register, bakit hindi rin tayo mag-pilot test na yung barangay and SK election ng mall voting? Mas convenient sa kababayan natin, mas alam natin na pupunta sila sa mall at boboto sila,” saad ni Garcia

Dagdag pa ni Garcia, mas maayos ang pagboto ng mga kababayan kahit nakapila bukod pa sa hindi nasisira ang gamit ng mga kabataan.

Sa ilalim ng RAP, naglagay ng voter registration sa mga kumbinyenteng lugar tulad ng government offices at malls.

Sa pamamagitan nito, ang mga first time voter gayundin ang mga nais na i-reactivate ang kanilang rekord ay maaring magrehistro on-site.

Ang mga naghahangad na mag-aplay para sa paglipat ng pagpaparehistro—mula sa ibang bansa patungo sa lokal o mula sa ibang lungsod o distrito—ay maaari ding gawin ito sa pamamagitan ng RAP.

Hanggang Biyernes, Enero 27 naman tatanggap ng aplikasyon ang RAP site sa House of Representatives. Jocelyn Tabangcura-Domenden