Pagbubukas ng Manila-Ormoc flight, isasakatuparan

Pagbubukas ng Manila-Ormoc flight, isasakatuparan

November 2, 2022 @ 1:56 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Kumpiyansa si Leyte Rep. Richard Gomez na mas lalago pa ang ekonomiya sa Eastern Visayas kasunod ng nalalapit nang paglalagay ng direct flight ng Manila-Ormoc, Ormoc to Manila flight.

Ayon kay Gomez, bago tumama ang pandemya ay naisaayos na ang plano para sa pagbubukas ng Ormoc City Airport katuwang ang Philippine Airlines subalit nang magkaroon ng COVID-19 pandemic ay pansamantalang naisantabi ito.

Umaasa ang mambabatas na ngayong unti-unti nang bumabalik sa normal ang bansa matapos ang mahigit sa dalawang taong pandemya ay maaari nang maipagpapatuloy ang usapan para sa Ormoc City airport.

Sinabi ni Gomez na positibo ang naging tugon ni Transport Secretary Jaime Bautista na magbukas ng take off at landing slot sa Ormoc Airport, aniya, sa suporta na binibigay ng Department of Transportation (DoTR) para sa nasabing proyekto ay tiyak na agad na itong maisasakatuparan.

“Secretary Bautista is committed to help us. The airport has been here already.We are all system go but the pandemic hits us in February 2020. We’re hoping that two more airlines will take a look at Ormoc City,” paliwanag ni Gomez.

Sa kasalukuyan, ang Daniel Z. Romualdez Airport o Tacloban City Airport ang tanging paliparan na nagsisilbi sa bahagi ng Leyte, dalawang oras pa ang layo nito mula sa Ormoc.

Giit ni Gomez na hindi lamang ang Ormoc City ang makikinabang sa direct flight kundi mga karatig probinsya gaya ng Western Leyte, Southern Leyte at Biliran province.

“We will present to airlines our financial viability showing that they can have business here,” pagtitiyak pa niya.

Una nang sinabi ni Pangulong Bongbong Marcos na ang pagbubukas ng Ormoc Airport sa commercial flights ay tiyak na magbubukas ng mas maraming development sa buong Eastern Visayas region.

Ininspeksyon nito ang nasabing paliparan nang magtungo ito sa Ormoc City sa pagdiriwang ng ika-75 Anibersaryo ng lalawigan noong nakaraang buwan, sa nasabing okasyon ay pinuri ni Marcos ang malaking ambag ng siyudad sa food security at paglaban sa climate change.

Ang Ormoc Airport ay kasalukuyang pinagaganda pa at pinaluluwag ang landing area at taxiway.

Piinaglaanan ng P329 milyon pondo ang proyekto at matatapos sa Marso 2023.

“The expansion is expected to be completed early next year and this enable the airport to accept bigger commercial aircraft,” pagtatapos pa ni Gomez. Gail Mendoza