PAGBUBUSISI SA ELECTRICAL & MECHANICAL PLANS, WALANG KAUGNAYAN SA GOOD WORKING CONDITION

PAGBUBUSISI SA ELECTRICAL & MECHANICAL PLANS, WALANG KAUGNAYAN SA GOOD WORKING CONDITION

October 24, 2022 @ 4:58 PM 1 month ago


LUBOS ang paghanga natin sa sipag at dedikasyon ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. sa pagkumbinsi sa mga overseas Filipinos at sa mga dayuhang kapitalista na mamuhunan sa bansa para tuluyan na tayong makabangon sa matinding hagupit sa ating ekonomiya ng coronavirus disease 2019 pandemic. Isa nga sa ginagamit na pang-come on ng Marcos administration ay ang “ease of doing business” na mas papadaliin at sisimplehan para sa mga susunod na araw ayon mismo kay Pangulong BBM. 

Pero mukhang nalilihis ng landas at direktiba ang Department of Labor and Employment (DOLE) provincial office sa Carmona, Cavite dahil kung anu-ano ang hinihinging mga papeles na hindi naman naaayon sa nakalista sa Bureau of Working Conditions na nakapaskel pa sa mismong DOLE website.

Ipinakitang lahat ng isang maliit na kumpanya ang mga dokumento na kinakailangang ihanda at ipakita sa inspector ng DOLE. Ang pinuntirya ng mga nasa DOLE Carmona ay ang aprubadong Electrical Plan at Mechanical Plan ng nasabing kumpanya buhat sa local government unit o Mayor’s permit. Hindi daw nila kinikilala ang aprubado electrical at mechanical permit ng LGU Carmona, kailangan diumano ang mag-apruba ay buhat sa kanilang sariling engineer sa loob ng tanggapan. Kailangang pa raw magpapagawa ng bagong plano, kung may naidagdag na ilaw o outlet. Aksaya sa pera ang magpagawa ng bagong electrical plan dahil lamang may idinagdag na ilaw.

Base sa  obserbasyon ng inyong lingkod, kung sa kanilang rekomendado engineers magpapagawa ng bagong plano, siguradong makakakuha sila ng electrical & mechanical certificates, ngunit mahigit P350,000 pesos ang sinisingil, hindi kaya ng kimpanya. Ang plano na sinang-ayunan ng LGU, hinahanapan nila ng kung anu-ano, marami raw kulang.

Direktang sampal sa kapangyarihan ng LGU Carmona ang sinabi ng DOLE, ang tanong ng inyong Agarang Serbisyo Lady, anong kinalaman ng electrical and mechanical sa good working condition ng manggagawa? Trabaho ng LGU ang pag-apruba sa electrical at mechanical plan na saklaw ng mandato ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ayon sa National Building Code at hindi ng DOLE.

Ang mga dapat lamang ipresenta ng kumpanya kaugnay sa occupational safety and health standards ay ang registration under Rule 1020, ang accredited safety officer o first aider, at ang organization of safety and health committee under Rule 1040. Hindi ninyo trabaho na pakialaman ang electrical at mechanical plan ng nasabing kumpanya.

Naiintindihan natin na dahil umiiral pa naman ang COVID-19 pandemic ay dapat talagang masusi at tuloy-tuloy ang pagpapatupad ng “social distancing” sa mga pagawaan. Sinusunod ito ng maliit na kumpanya sa lahat ng pagkakataon.

Personal na tinungo ng inyong lingkod ang DOLE Carmona. Magaling silang manita ng kumpanya ukol sa patakaran ng OSHC  lalo na sa working condition ng manggagawa habang sa mismong loob ng kanilang tanggapan ay para silang sardinas na nagsisiksikan sa kanilang opisina.

Hindi ba dapat sa mga batas na ipinapatupad ng DOLE, sila ang unang susunod dito, pero bakit parang exempted ang DOLE Carmona sa patakaran ng Occupational Safety and Health Center (OSHC). Tignan sana ni Executive Director Ma. Teresita S. Cucueco MD, CESO III ang kalagayan ng mga kawani. Nakakaawa sila!  lalong-lalo na nasa panahon pa tayo ng Covid-19 pandemic.

Ang mismong DOLE Carmona ay hindi pasok sa pamantayan ng occupational safety and health standards, dikit-dikit ang mga la mesa, hindi maayos ang ginagamit nilang mga upuan, at bulnerable sa aksidente ang kanilang toilet na madulas at napakarumi. Take note, kailangan mo pang magbayad ng P5 pesos sa paggamit o kung iihi ka sa loob. Sa mismong banyo ng DOLE Carmona, hindi akma para sa isang pampublikong opisina. Kung ganoon makikita nila sa pribadong opisina, siguradong may violation na agad.

Tinatawagan natin ng pansin si DOLE secretary Bienvenido Laguesma na tingnan ang ginagawang nilang pagpapahirap bago makakuha ng certificates. Nakakaawa ang mga negosyante “kung sadyang hanap ng hanap ng paglabag ang ginagawa ng DOLE inspector”. Umaahon pa lamang buhat sa pandemic ang maraming negosyo, huwag naman sanang pinapahirapan ang mga negosyante.