Pagbuga ng abo ng Taal, muling tumindi

Pagbuga ng abo ng Taal, muling tumindi

September 30, 2022 @ 7:24 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nagbigay-abiso ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ukol sa muling pagtaas ng emission o pagbuga ng sulfur dioxide mula sa main crater ng Taal Volcano noong Huwebes ng gabi.

Ayon sa advisory, hindi bababa sa 10,718 tonelada ng volcanic sulfur dioxide o SO2 ang ibinubuga kada araw mula sa Taal Main Crater na naging bulkan na ulap o vog sa Taal Caldera.

Ang ibinugang volcanic gas ay nahahalo sa hangin na kumalat patungong pakanluran batay sa datos mula sa air parcel trajectory ng DOST-PAGASA.

Ang average na flux ng SO2 para sa buwan ng Setyembre 2022 ay umabot na sa 6,612 tonelada bawat araw kasabay ng mataas na emisyon na nagsimula noong Hulyo 15, 2022.

Sa pagsisimula ng Agosto 2022, nagkaroon din ng outbreak ng gas emissions na naging sanhi ng pagtaas ng lawa sa main crater at paglabas ng usok o singaw na umabot sa humigit-kumulang 2,500 metro ang taas mula sa Taal Volcano Island.

Iniulat ng mga residente ng mga bayan ng Laurel, Agoncillo at Teresa sa Batangas ang pagkakaroon ng vog.

Bunsod nito, nagpaalala ang ahensya ukol sa mga indibdwal na maaaring makalanghap ng nasabing vog na binubuo ng mga pinong droplet na naglalaman ng volcanic gas tulad ng SO2 na acidic at maaaring magdulot ng iritasyon sa mata, lalamunan, at respiratory tract na maaaring malubha depende sa konsentrasyon ng gas ang haba ng oras ng pagkalantad.

Ang mga indibidwal na maaaring partikular na sensitibo sa vog ay mga indibidwal na dumaranas ng hika, sakit sa baga, sakit sa puso, matatanda, buntis, at mga bata.

Para sa komunidad na maaaring maapektuhan ng vog, tandaan ang sumusunod:

  • Limitahan ang iyong pagkakalantad. Iwasan ang mga aktibidad sa labas at panatilihing nakasara ang mga pinto at bintana.

  • Protektahan ang iyong sarili. Takpan ang ilong, gumamit ng N95 facemask. Uminom ng maraming tubig para mabawasan ang pangangati o paninikip ng lalamunan. Para sa mga taong may karamdaman, ang mga matatanda, mga buntis ay humingi ng payo sa doktor o pumunta sa pinakamalapit na barangay health unit.

Ang acid rain, na maaaring mangyari sa panahon ng tag-ulan at kapag ang bulkan ay naglalabas ng gas sa mga lugar na apektado ng plume, ay maaaring makasira ng mga pananim at makaapekto sa mga metal na bahagi ng mga bahay at gusali.

Ang Taal Volcano, sinabi ng DOST-PHIVOLCS, ay nananatili sa ilalim ng Alert Level 1 na nangangahulugan na ang bulkan ay wala sa normal na estado at hindi pa lumilipas ang aktibidad o banta ng pagsabog nito. RNT