PAGBUHAY SA NCAP SA NOB. 15, FAKE NEWS

PAGBUHAY SA NCAP SA NOB. 15, FAKE NEWS

November 5, 2022 @ 1:15 AM 4 weeks ago


HINDI pa rin natitigil ang pagkalat ng fake news na karamihan ay mula sa social media na pinaniniwalaan at ikinakalat naman ng ibang nakababasa.

Kung may motibo man ang mga nagpapakalat ng mga pekeng balita, nasa mga nagbabasa na lamang nito kung maniniwala sila o hindi, lalo na kung sa tingin nila ay apektado sila o kanilang mga kaanak sa lumalabas na fake news.

May ilan naman na sa pagnanais lamang na sila ang unang makapagbalita sa kanilang mga kaibigan o kaanak sa nabasang pekeng balita, kaagad nila itong ipinadadala ng hindi man lamang bineberipika muna kung may katotohanan o wala ang naturang balita.

Paulit-ulit na nga ang panawagan sa mamamayan sa pamamagitan ng radyo, telebisyon at mga pahayagan lalo na sa netizens na huwag basta maniniwala sa mga nababasa sa social media at sa halip ay magsagawa muna ng pagsusuri kung totoo o hindi.

Tulad na nga lang nitong kumakalat sa social media na ipatutupad na raw sa Nobyembre 15 ngayong taon ang No Contact Apprehension Policy sa mga pangunahing lansangan na ipinadala ng mga nakabasa sa kanilang mga kaibigan at kaanak kaya kumalat at pinagusapan sa mga umpukan ng mga tsuper ng pampubliblikong sasakyan.

Ikinaila na nga ng Metropolitan Manila Development Authority na sa kanila galing ang pekeng balita lalo na’t sinuspinde nga nila ang implementasyon nito noong Agosto kasunod nang pagpapalabas ng temporary restraining order ng Korte Suprema.

Maging ang Manila Traffic and Parking Bureau ay nagpahayag na rin na walang katotohanan ang kumakalat na pekeng balita dahil ang usapin ay tatalakayin pa ng Mataas na Hukuman.

Sabi ni MTPB Operation Chief Wilson Chan, naka-schedule pa nga sa Martes, Nobyembre 8, ang preliminary hearing na dadaluhan ng lokal na pamahalaan ng Maynila at ng Solicitor General para sa pagpi-prisinta ng mga dokumento.

Nangangahulugan ito na hindi pa binabawi ng mga Mahistrado ng Korte Suprema ang TRO kaya malabong maipatupad ang NCAP.

Ang tanong, ano ang motibo ng mga nagpapakalat ng pekeng balita kaugnay sa NCAP? Ito kaya ay paraan upang bawiin na ng Korte Suprema ang inilabas na TRO o ito ba’y paraan upang mag-isyu pa ang mga Mahistrado ng permanent injunction.

Maaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na jrreyes.0428@gmail.com o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0995-1048357.