Pagbuo ng anti-agri smuggling task force inirekomenda ng Senate panel

Pagbuo ng anti-agri smuggling task force inirekomenda ng Senate panel

February 11, 2023 @ 12:07 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Inirekomenda ng Senate committee on agriculture, food, and agrarian reform ang pagbuo ng anti-agricultural smuggling task force.

Ang suhestyon na ito ay laman ng Committee Report No. 25, na inilabas kasunod ng imbestigasyon ng Senado kaugnay ng mataas na presyo ng mga lokal na sibuyas.

Mapapasailalim sa kontrol at paggabay ng Office of the President ang panukalang task force upang protektahan ang kabuuan ng sektor ng agrikultura.

Itatalaga naman ang special team of prosecutors mula sa Department of Justice upang umasiste sa task force sa paghahain ng kaukulang kriminal na kaso o iba pa na may kinalaman sa economic sabotage.

Inirekomenda rin ng panel ang pagbuo ng isang special court sa ilalim ng
pangangasiwa ng Supreme Court para sa pagdinig ng mga kaso na may kaugnayan sa agricultural smuggling.

“This will ensure preferential attention to cases of economic sabotage so that profiteers, hoarders, and smugglers will be brought to justice and [given a] speedy trial and will be rendered accordingly,” ayon sa ulat.

Iba pa sa mga inirekomenda ng komite sa naturang ulat ay ang pagtatayo ng
post-harvest services sa mga onion farmers, katulad ng cold storage facilities, at pagbibigay suporta sa pamamagitan ng mga kooperatiba o government facilities.

Sisiguruhin din na ilalagay ang mga pasilidad sa lugar na madaling mapuntahan ng mga magsasaka.

Samantala, ayon sa Senate panel, ang pag-aangkat kung kinakailangan ay dapat na “logically scheduled” upang hindi sumabay sa pag-aani ng mga magsasaka.

“The import volume must be correctly established, and such must be only for purposes of providing the needed supply in the market,” ayon sa komite.

Idiniin din ng mga ito na kailangan nang amyendahan ang Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016 upang isama ang profiteering, hoarding, at smuggling sa listahan ng mga krimen na sangkot sa economic sabotage.

Naghain na ng panukala si Senador JV Ejercito para amyendahan ang naturang batas.

Ang committee report ay pinirmahan ng panel chairperson na si Cynthia Villar, Senators Imee Marcos, Ronald “Bato” dela Rosa, Francis Tolentino, Nancy Binay, Sherwin Gatchalian, Ramon Revilla Jr., Bong Go, Robin Padilla, Mark Villar, Risa Hontiveros (may interpellate/amend), Senate President Pro Tempore Loren Legarda, Majority Leader Joel Villanueva, Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III (will interpellate), at Ejercito. RNT/JGC