PAGBUO NG DMW TINUPAD NI PRRD

PAGBUO NG DMW TINUPAD NI PRRD

January 17, 2022 @ 10:30 AM 7 months ago


HINDI nabigo ang mga itinuturing na makabagong bayani ng ating bansa, ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs), sa pangako ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na bumuo ng isang departamentong tututok sa kanilang kapakanan at pagpapabuti ng kanilang kalagayan.

Isinabatas na nga kamakailan ang pagbuo ng Department of Migrant workers sa ilalim ng Republic Act 11641 kung saan author at co-sponsor si Senator Christopher ‘Bong’ Go na siya ring produkto ng naunang inihaing panukalang batas ng butihing senador patungkol sa pagbuo ng Department for Overseas Filipino Workers.

Tunay ngang malapit ang loob ni Pangulong Duterte at Senator Go sa mga OFWs at inihandog ng mga ito ang kakaibang regalo para sa kanila. Ito ang magsisilbing sentral na opisina ng pamahalaang mangunguna sa pagbuo at pagpapatupad ng mga plano, polisiya at programang tutugon sa kasalukuyang sitwasyon at suliranin ng mga OFWs na ayon sa inilabas na tala ng Philippine Statistics Authority noong 2020 ay nasa 2.2 milyong indibidwal na.

Talagang hindi maikakailang hirap ang OFWs pagdating sa pagproseso ng kanilang dokumento at may kalituhan kung saang ahensya ng pamahalaan ba sila dapat lumapit sa panahon ng pangangailangan. Kalat kasi sa iba’t ibang ahensya ng gobyerna ang mga programa at transaksyon para sa OFWs sa kasalukuyan.

Dahil sa DMW, hindi na kailangan pang magsadya ang  OFWs sa iba’t ibang opisina ng pamahalaan upang asikasuhin ang kanilang mga dokumento at sa isang ahensya na lang sila makikipag-ugnayan tuwing kailangan nila ng tulong at suporta.

Sa laki ng populasyon ng OFWs, nararapat lamang na mayroong departamentong nakatutok sa kanilang gayong talamak pa rin ang pang-aabuso at illegal recruitment sa kanilang hanay kung saan madalas silang nabibiktima nang walang kalaban laban.

Magandang mga bagay ang idudulot ng DMW sa mga OFWs higit lalo’t nasa panahon tayo ng pandemya na marami sa kanila ang lubos na naapektuhan. Sa mga susunod na buwan, matutunghayan natin ang mga benepisyong dala nito sa ating mga kapatid na OFWs na buong puso ang pagsasakripisyo sa ibayong lugar upang bigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang naiwang pamilya sa bansa.