Pagbuwag sa PS-DBM, suportado ni Bong Go

Pagbuwag sa PS-DBM, suportado ni Bong Go

August 31, 2022 @ 3:00 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Sinuportahan ni Senator Christopher “Bong” Go ang mga panawagang buwagin na ang Procurement Service ng Department of Budget and Management at idiniin na dapat panagutin ang mga opisyal nito kapag napatunayang nagkasala ng katiwalian o iba pang iregularidad.

Ang sigaw para sa abolisyon ng PS-DBM ay kasunod ng mga kamakailang ulat ng katiwalian kabilang ang pagbili ng “overpriced” at “outdated” na mga laptop para sa mga guro.

Sa ambush interview matapos personal na asistehan ang mga nasunugan sa Pasay City, sinabi ni Go na dapat nang buwagin ang PS-DBM at dapat ayusin ang sistema ng procurement nito.

Noong Agosto 25, nagsagawa ng public hearing ang Senate blue ribbon committee, kung saan si Go ay vice vhair, hinggil sa kontrobersyal na pagbili ng PS-DBM at Department of Education ng Intel Celeron laptops sa halagang P58,300 kada unit.

Ito ay na-flag ng Commission on Audit dahil sa pagiging mahal ngunit luma na. Para sa presyong iyon, ang mga biniling laptop ay naging mas mahal kaysa sa isang MacBook Air na may M1 chip, na kasalukuyang nasa P57,990.

Ang unang tinatayang presyo ng DepEd para sa bawat laptop ay P35,046.50. Gayunpaman, dahil sa 66% na pagtaas mula sa orihinal na tinatayang presyo, 39,583 units lamang ng 68,500 na laptop na para sa mga guro ang nabili.

Ikinalungkot ni Go na may mga guro pa na kailangang umabot sa pagkuha ng pautang para lang makabili ng mga tamang laptop.

“Dapat po may check and balance talaga. Dapat po maayos at bawat procurement ay merong nakatingin, ang Commission on Audit andyan,” ani Go.

“Para sa akin po, hindi po katanggap-tanggap na may malulugi lalo na po ang goyerno. Ako po, interes ng gobyerno ang unahin natin, interes po ng mga kababayan natin,” idiniin ng senador.

Sinabi niya na kung mapatunayang gumawa ng kalokohan ang mga nasa likod nito ay dapat makasuhan at maipakulong.

Matagal nang nagsusulong si Go para sa kapakanan ng mga guro sa bansa. Nauna nang hinimok ng senador ang pambansang pamahalaan na magbigay ng karagdagang suporta para sa mga guro sa pampublikong paaralan dahil sa mga paghihirap na kanilang kinakaharap bilang resulta ng pandemya ng COVID-19.

Siya ang may-akda at co-sponsor ng Republic Act 11466 o Salary Standardization Law (SSL) 5, na nagbibigay sa mga empleyado ng gobyernong sibilyan, kabilang ang mga guro sa pampublikong paaralan, na pagtaas ng suweldo na pinaghiwa-hiwalay sa mga tranches.  RNT