PAGCOR binatikos ni Gatchalian sa paglabag sa sariling regulasyon sa pagkuha ng third-party auditor

PAGCOR binatikos ni Gatchalian sa paglabag sa sariling regulasyon sa pagkuha ng third-party auditor

January 24, 2023 @ 7:20 PM 7 days ago


MANILA, Philippines- Binatikos ni Senador Win Gatchalian ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) dahil sa kabiguang tumupad sa sarili nitong Terms of Reference (TOR) nang pumasok sa P6 bilyong kontrata sa Global ComRCI, ang third-party auditor consortium ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Sa pinakahuling pagdinig ng Senate Committee on Ways and Means na pinamumunuan ni Gatchalian, nabunyag na hindi sinunod ng PAGCOR ang sarili nitong TOR, na naglalatag ng ilang regulasyon para sa isang entity na maging kwalipikado bilang isang third-party auditor ng kita sa pasugalan na idineklara ng POGO operators.

Nagsimula noong 2017 ang 10 taong kontrata sa pagitan ng PAGCOR at Global ComRCI.

“Paanong walang nakakita nito? Paano nakalagpas sa inyo ito? Kung hindi kayo nabudol, kayo ay nagpabudol,” sabi ni Gatchalian sa opisyal ng PAGCOR sa naturang pagdinig.

Sinabi ng senador na sa ilalim ng TOR, ang isang entity para maging kuwalipikado bilang third-party auditor ay dapat mayroong operating capital na hindi bababa sa P1 bilyon. Batay sa audited financial statements ng mga miyembro ng consortium ng third-party auditor, ang kanilang pinagsamang equity ay hindi nakakatugon sa P1 bilyon na requirement.

Para makasunod, nagsumite ang Global ComRCI ng bank guarantee na inisyu ng Soleil Chartered Bank sa halagang $25 milyon. Pero ibinunyag ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na ang Soleil Chartered ay hindi rehistradong bangko sa bansa at hindi maaaring mag-isyu ng bank guarantee sa Pilipinas.

Ibinunyag din sa pagdinig na ang mga address ng opisina na idineklara ng Global ComRCI sa PAGCOR ay napatunayang hindi totoo at hindi naaangkop na mga lugar ng operasyon. Dagdag pa dito, nabigo ang Global ComRCI na ma-secure ang mga kinakailangang building permit.

Sa kontrata, ang address na nakalagay ay Makati ngunit sa sulat na isinumite ng Global ComRCI sa PAGCOR at sa Committee, ang address ay nasa Maynila. Sa bandang huli, pinatunayan ng Makati at Manila na walang business permit na ibinigay sa third-party auditor.

Nalaman din ng komite na ang Highweb Trade Ltd., na bahagi ng third-party auditor consortium, ay walang technical capability upang magbigay ng teknolohiya para sa isang regulator tulad ng PAGCOR dahil wala itong karanasan bilang third-party auditor ng isang government gaming regulator na muling lumalabag sa TOR ng PAGCOR.

Higit sa lahat, ibinunyag na ang Global ComRCI, na nakatanggap na ng bayad mula sa gobyerno na umaabot sa kabuuang P824 milyon hanggang sa kasalukuyan, ay hindi pa nakarehistro sa Bureau of Internal Revenue (BIR) gaya ng nakasaad sa isang sertipikasyon na inilabas ng ahensya.

“Huwag nating kalimutan ang mahalagang papel ng third-party auditor sa pagtukoy ng mga buwis at mga bayarin sa regulasyon ng mga POGO. Bawat piso na hindi binabayarang tax ng mga POGO ay piso na nawawala sa bayan. Kaya pati ang taong bayan ay binudol din ng PAGCOR,” pagtatapos ni Gatchalian. Ernie Reyes