PAGCOR hahanap ng bagong “revenue source”

PAGCOR hahanap ng bagong “revenue source”

May 4, 2022 @ 2:05 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Kumpiyansa ang Malakanyang na makahahanap ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ng bagong “revenue source”matapos na ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na “tuldukan” na ang online sabong operations sa buong bansa.

Ayon sa PAGCOR, aabot sa P6 bilyong piso ang magiging “revenue loss” mula sa e-sabong ngayong taon.

“Tiwala kami sa PAGCOR to generate new revenues,” ayon kay acting Palace spokesperson Martin Andanar.

Aniya, isang formal order mula sa Pangulo ang ipalalabas pa lamang ng record office ng Malakanyang.

Ipinag-utos ni Pangulong Duterte na ipatigil na ang lahat ng e-sabong operations matapos na maipakita sa survey ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na mayroon itong negatibong epekto sa sambayanang Filipino.

Sa ulat, binigyan ang mga e-sabong operator ng hanggang bukas, araw ng Miyerkoles para ihinto ang kanilang operasyon matapos nga na ipag-utos ng Chief Executive ang pagpapatigil sa nasabing sugal.

“The secretary is giving online operators until tomorrow to wrap up online operations,” sabi ngayong Martes ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Jonathan Malaya, na tinutukoy si DILG Secretary Eduardo Año.

“Sana po maintindihan ng ating mga kababayan that the social cost of itong e-sabong na ito has become so high. The economic benefits could not outweigh the social cost,” dagdag niya.

Bago nito, ipinag-utos ni Duterte na ipatigil ang e-sabong, base na rin sa rekomendasyon ng DILG.

“‘Yong amin lang sana, buwis lang ang hinabol namin dito, P640 million. But may naririnig na ako, loud and very clear to me that it was working against our values,” ani Duterte.

Ayon kay Duterte, may negatibong social impact ang e-sabong sa mga Pinoy.

Kamakailan, naiulat ang mga nawawalang sabungero, pulis na nangholdap ng gasolinahan, at inang ibinenta ang sariling anak matapos mabaon sa utang — mga problemang nag-ugat sa pagkakalulong sa e-sabong.

Kasama rin ang Philippine Amusement and Gaming Corporation sa pagpapatupad at magkakaroon ng formal memorandum, ayon kay Chairperson Andrea Domingo.

Sa Maynila, ilang off-cockpit betting station ang bukas pa ngayong Martes pero wala nang palabas na sabong. Kris Jose