PAGCOR: Inspeksyon ng PNP, NBI sa POGOs ‘di haharangin

PAGCOR: Inspeksyon ng PNP, NBI sa POGOs ‘di haharangin

October 4, 2022 @ 2:50 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Siniguro ng Philippine Amusement and Gaming Corporation o PAGCOR, na hindi haharangin ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) na mag-inspeksyon sa mga pasilidad ng Philippine offshore gaming operators o POGOs.

Kasunod ito ng paglalahad ni Sen. Raffy Tulfo sa pagdinig ng Senate Committee on Ways and Means kasama ang Public Order and Dangerous Drugs na nakatanggap siya ng impormasyon na hindi kumikilos ang PNP at National Bureau of Investigation (NBI).

“In fact may balita ako na yung PNP at NBI, kapag gumagawa ng monitoring, gumagawa ng inspeksyon, pinagbabawala niyo PAGCOR, bakit ninyo pinagbabawalan yung PNP at sana NBI an mag-inspect doon sa facilities ng POGO dahi sa tingin po ng NBI at ng PNP ay mayroon nang nangyayaring kalokohan, bakit pinipigilan?”, ayon kay Tulfo. 

Sagot ng PAGCOR, wala umanong nagyayaring pagpigil sa PNP at NBI. 

“According to our Compliance Monitoring Enforcement Department, wala naman po raw nangyayaring ganoon,” ani Atty.Victor Padilla Jr., head ng Offshore Gaming and Licensing Department ng PAGCOR.

“May mutual cooperation agreement nga po kami with PNP, NBI, Bureau of Immigration, DOLE, and even DOJ na magtutulung tulungan po kami para maayos po ang operation ng mga POGO po,” paglalahad ni Padilla. 

Sa naunang pagkuwestiyon naman ni Senator Ronald dela Rosa, inihayag ni PBGen Cesar Pasiwen na walang naitalang insidente ng kidnapping na may kaugnayan sa POGO mula nang magsagawa ang pagdinig ang senado noong Setyembre 15, 2022. 

“Magmula nung tayo ay nag-hearing, Sir, walang insidente ng kidnapping sa Metro Manila. Ito yung mga intervention na ginawa ko, Sir, una nag-focus kami sa genuine police visibility specifically sa Entertainment City. Second, nagdagdag ako ng mga outpost sa area. More on crime prevention kami sir,” sabi ni NCRPO Chief PBGEN Jonnel Estomo.

“After our meeting, Sir, we have not noted any case of POGO related incident. Ang ginawa namin, we met with the POGO operators. Kinausap namin, we required them na kumuha ng National Police clearance,” sabi ni PNP PRO 3 ARD PBgen Cesar Pasiwen.

Tinanong naman ni Senator Sherwin Gatchalian ang pananaw sa pagpapatuloy ng operasyon ng POGO sa bansa, at tumugon si Estomo na suportado niya ito at tiniyak na gagawin ang makakaya upang mapigilan ang mga krimen na may kaugnayan sa POGO. 

“Gusto ko Sir, kasi siyempre makakatulong sa bansa natin, maraming trabaho. Noong nakausap ko yung mga POGO na iyan, marami ring mga Filipino na nakikinabang na kinukuha silang mga empleyado ng POGO,” giit ni Estomo. 

“I will try my very best, pero sir siyempre tao lang tayo. Kaunti lang ang ating resources, pero kapag may nangyari, gagawin namin ang aming tungkulin,” aniya pa. RNT/SA