PAGCOR NAGPALIWANAG SA ISYU NG POGO

PAGCOR NAGPALIWANAG SA ISYU NG POGO

January 28, 2023 @ 11:17 AM 2 months ago


SA kabila ng mainit na panawagan ng ilang mambabatas na ipagbawal na sa bansa ang Philippine Offshore Gaming Operators  dahil hindi umano sulit ang kita ng gobyerno sa mga krimeng idinudulot nito, naniniwala naman ang Philippine Gaming Corporation o PAGCOR na marami pa itong maiaambag sa ekonomiya ng bansa at trabaho sa mga Pilipino.

Kabilang kasi sa ginisa ng Senado sa pagdinig ang PAGCOR kaugnay sa kidnapping at abduction ng mga dayuhang POGO workers na nadadamay pati ang mga Pinoy sa pagnanais ng mga suspek na makahuthot ng malaking halaga ng salapi.

Pero nilinaw ng PAGCOR na walang insidente ng anomang uri ng pagdukot sa workers ng mga lisensiyadong industriya ng offshore gaming sa bansa sa loob ng nakalipas na tatlong buwan at ito’y resulta ng kanilang pakikipag-ugnayan sa Philippine National Police, National Bureau of Investigation at Department of Justice.

Ayon sa PAGCOR nakipagtulungan din sila sa National Intelligence Coordinating Agency, Bureau of Immigration at Anti-Money Laundering Council  para maiwasan ang anomang mga iligal na aktibidad ng POGOs.

Mali anila ang lumutang na impormasyon sa isinagawang pagdinig sa Senado kamakailan na may kaugnayan sila sa mga sinasabing krimen na nangyayari sa POGO workers.

Nagpasalamat naman ang PAGCOR sa mga mambabatas sa ibinigay sa kanilang pagkakataon na magpaliwanag para linawin ang mga bagay na may kaugnayan sa operasyon ng mga lisensiyadong POGO.

Hinggil naman sa pag-upa ng pribadong auditing firm, sinabi ng PAGCOR na puspusan ang kanilang ginagawang pagsubaybay sa mga kasong kinasasangkutan ng MOA Cloudzone Corp. at Brickhartz Technology Inc.

Habang naibasura na, anila, ng  DOJ ang kaso laban sa MOA Cloudzone Corp. habang sinusubaybayan naman nila ang kaso na kinasasangkutan ng Brickhartz Technology Inc. na kasalukuyan pang nasa ilalim ng pagsisiyasat.

Pinawi rin ng PAGCOR ang pangamba ng publiko na kinukunsinti nila ang mga maling gawain at tiniyak na matapat nilang tinitingnan ang usapin at gagawa ng mga kinakailangang hakbang, kabilang dito ang pagkansela ng mga lisensiya ng mga service provider accreditation  kung mapapatunayan na ito ang nararapat.

Nilinaw din ng PAGCOR ang iniulat na napakataas na pagbabayad ng upa sa mga pribadong auditing firm ay dumaan sa tamang proseso at lahat ng ligal na kinakailangan ay ibinatay sa ilalim ng umiiral na batas kaugnay sa Procurement Law.

Ayon sa PAGCOR, nakipag-ugnayan na sila sa Global ComRCI at kasalukuyan ng ino-audit ang mga tuntunin at kundisyon ng kontrata at ang pagganap ng kompanya lalu na’t ang industriya ng PGO ay umiral lamang sa Pilipinas sa ilalim ng PAGCOR sa nakalipas na limang taon.

Sabi pa ng PAGCOR, bukod sa mga buwis sa pambansa at lokal na pamahalaan, ang POGO ay kasalukuyang nag-empleyo ng tinatayang 25,000 Pilipino at nag-aambag ng bilyun-bilyong piso sa lokal na ekonomiya sa pamamagitan ng mga aktibidad sa real estate, pagkonsumo at hindi direktang trabaho.

 Layunin ng PAGCOR na pagyamanin ang industriyang ito dahil naniniwala silang marami pa itong maiaambag sa ekonomiya ng Pilipinas.