Pagdalo ni Digong sa Climate Conference sa Germany ‘di pa tiyak – Malakanyang

Pagdalo ni Digong sa Climate Conference sa Germany ‘di pa tiyak – Malakanyang

May 25, 2022 @ 12:45 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Sinabi ng Malakanyang na wala pang official communication na inilalabas ang Office of the President (OP) ukol sa kung dadaluhan pa ba ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang Climate Change conference na nakatakda sa susunod na buwan sa Germany.

Tinuran ni Acting Presidential spokesperson at PCOO Secretary Martin Andanar na interesado naman ang Pangulo na dumalo sa naturang komperensiya ngunit makaraang magpresenta ng kanyang report sa Punong Ehekutibo si Commissioner Robert Borje ng Climate Change Commission ay wala ng napag-usapan pa.

“Noong una, sinabi ni Presidente na he is interested pero after mag-report ni Secretary Borje ay wala nang napag-usapan,” ani Andanar.

Kaya, maghihintay na lang ani sila ng anomang order na ibibigay sa kanila at mula duon ay madedetermina kung seryoso ba ang Punong Ehekutibo na daluhan ang Climate Change conference.

“So hintayin na lang natin kung anong magiging opisyal na pahayag ng Office of the President at kung ano iyong orders na ibibigay sa amin, kung talagang seryoso siya na pupunta siya doon sa Bonn,” anito.

Nakatakda namang magsimula ang Bonn Climate Change Conference sa darating na Hunyo 6 hanggang Hunyo 16. Kris Jose