Pagdampot sa mga tambay pinaiimbestigahan sa Kamara

Pagdampot sa mga tambay pinaiimbestigahan sa Kamara

June 21, 2018 @ 4:44 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Nakatakdang maghain sa susunod na linggo ng resolusyon sa House of Representatives si Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate na humihiling na magkaroon ng House Inquiry sa ipinatutupad na anti-tambay campaign ng Duterte administration na ipinatutupad ng Philippine National Police.

Ang hakbang ni Zarate ay sa gitna na rin ng paghingi ng hustisya ng kaanak ni Genesis Argoncillo alyas Tisoy na inaresto noong nakaraang Biyernes dahil walang suot na damit pang itaas subalit makalipas ang ilang araw ay natagpuang patay sa detention cell ng Station 4 sa Novaliches Quezon City na puno ng pasa sa katawan.

Ani Zarate hindi malayong maulit ang sinapit ni Argoncillo kung hindi ihihinto ng PNP ang pagdampot sa mga tambay nang wala namang malinaw na guidelines na sinusunud.

Nilinaw rin ng mambabatas na hindi pasok sa public nuisance sa ilalim ng Civil Code ang pagkakaaresto kay `Tisoy` dahil nakaupo lamang ito sa labas ng kanilang tahanan nang hulihin ng mga pulis.

Batay sa Article 694 ng Civil Code maituturing na public nuisance kung ang isang tambay ay nakakaabala at nagdudulot ng gulo para sa ibang tao.

Dagdag pa ni Zarate, tinatarget ng anti-poor campaign na ito ang mga mahihirap at walang trabaho pero mismong ang gobyerno ay hindi masolusyunan ang problema sa kawalan ng trabaho at nagtataasang presyo ng bilihin dahilan kaya may mga tambay sa lansangan.

Sinabi naman ni dating Bayan Muna Rep. Neri Colmenares na ang anti-tambay campaign ay kahalintulad sa mga ipinapatupad na anti-people policies noong rehimeng Marcos na malinaw na pagpigil sa `freedom of movement` at ‘freedom of assembly’. (Gail Mendoza)