Pagdaragdag ng 4 na bagong EDCA sites sinupalpal ng Makabayan bloc

Pagdaragdag ng 4 na bagong EDCA sites sinupalpal ng Makabayan bloc

February 3, 2023 @ 1:39 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sinupalpal ng Makabayan bloc ang kasunduan na pagdaragdag ng apat na bagong Enhanced Defense Cooperation Agreement (Edca) sites sa bansa.

Anang mga mambabatas, ang kasunduang ito ay lalo lamang magtutulak sa bansa na maipit sa pagitan ng Estados Unidos at China.

“This is an alarming flashpoint in America’s military expansionism in Southeast Asia, which brings the country and whole Association of Southeast Asian Nations (Asean) region closer to instability and further places the Philippines deeper in the midst of US-China tensions,” pahayag ni Rep. Arlene Brosas ng Gabriela Women’s Party nitong Biyernes, Pebrero 3.

Sinita rin ni Brosas ang mainit na pagtanggap ng Pilipinas kay US Defense Secretary Lloyd Austin III na tila ba isinusuko pa ng bansa ang soberanya nito upang suportahan ang geopolitical interest ng US kapalit ang pautang, donasyon at military financing.

Samantala, sinabi naman ni Alliance of Concerned Teachers Party Rep. France Castro na ginagawa lamang “launching pad” ng US ang Pilipinas kung sakaling magkaroon ng giyera sa pagitan ng China.

“Nasa gitna tayo ng dalawang parang nag-uumpugang bato at ang mamamayang Pilipino ang talagang magiging apektado rito…Kapag nagkaroon ng girian ang China at US, tayo po ang kawawa,” pagbabahagi pa niya sa isang news conference.

Sinupalpal din ni Rep. Raoul Manuel ng Kabataan Party, ang tila paglalagay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa bansa sa mahirap na posisyon.

“Imbis na tiyakin na hindi maipit ang Pilipinas sa girian ng dalawang imperyalistang bansa, parang hinahanapan ng Marcos Jr. na maging war zone ang ating kapuluan. Lalong binibitag niya ang mga kabataan sa bingit ng digma,” sinabi ni Manuel.

Ipinunto rin niya na ang pagpapalakas sa US-Philippine military ties ay gagamitin lamang para sa pagsupora sa counter terrorism efforts ng pamahalaan target ang mga Filipino na kritikal sa gobyerno.

“We appeal to the conscience of US lawmakers to work towards stopping US government support in cooperation with counter terrorism skims of the Philippine government,” ani Manuel. RNT/JGC