Pagdarambong pinadali ng Ombudsman sa kinalos na lifestyle check, paglabas ng SALN

Pagdarambong pinadali ng Ombudsman sa kinalos na lifestyle check, paglabas ng SALN

September 24, 2020 @ 2:42 PM 1 month ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Sa  halip na tuparin ang tungkulin na ipagtanggol ang kaban ng bayan laban sa magnanakaw, mas pinamadali pa ng Ombudsman ang pagnanakaw dahil gusto nitong itigil ang pagsusumite ng Statement of Assets and Liabilities Networth (SALN) at magsagawa ng lifestyle  check sa lahat ng opisyal at empleyado ng pamahalaan.

Ganito ang pahayag ni Senador Leila De lima sa inasta ni Ombudsman Samuel Reyes Martires na huwag nang ilantad ang SALN ng mga empleyado at  opisyal ng pamahalaan saka itigil ang pagsasagawa  ng lifestyle check.

“Unbelievable! This Ombudsman is undermining his own office,” giit ni De Lima.

“If Ombudsman Martires is averse to the disclosure of SALNs and lifestyle checks, how does he intend to fulfill his mandate?,” giit pa ng senador.

Dahil dito, nagpahayag ng pagkabahala  at pagkamangha si De Lima sa desisyon ni Ombudsman Martires, isa sa bomoto  upang patalsikin si dating Chief Justice Maria Lourdes Serreno dahil sa SALN.

“Nakakabahala at nakakamangha ang desisyon ni Ombudsman Martires na ipatigil ang pagsilip sa SALN at ang pagsagawa ng lifestyle check sa mga opisyales ng gobyerno,” ayon kay De Lima.

Aniya,  binaliktad ni Martires ang mandato ng Ombudsman  dahil imbes na protektahan niya ang sambayanan mula sa pandarambong ng mga opisyales, nais pa niyang protektahan ang mga opisyales mula sa transparency at accountability.

“Sa buong kasaysayan ng Ombudsman, ngayon lang nangyari na ginawang napakadali ng Ombudsman ang pandarambong sa gobyerno,” ayon sa senador.

“Simple lang naman ang mandatong nakalagay sa Konstitusyon at sa batas. Ang public office ay public trust. Kasama nito ang obligasyon ng transparency at accountability dahil pera ng sambayanan ang nanganganib na makulimbat kung susundin ang takbo ng utak ni Martires. Para na ring idineklara ni Martires ang open season sa pagnakaw sa gobyerno,” dagdag ni De Lima.

Sinabi ni De Lima na kung hindi sila handang mabusisi ng publiko ang kanilang taglay na kayamanan, umalis sila sa gobyerno.

“If you cannot stand the heat, get out of the kitchen. Mauna na dapat si Martires para mapalitan na siya ng isang Ombudsman na totoong mangangalaga sa kapakanan ng taumbayan, imbes na kampihan pa ang mga tiwali sa pamahalaan,” paliwanag ng senador na dating justice secretary.

“Hindi ang pagbuwag sa Office of the Ombudsman ang kailangan, kundi ang pagbibitiw o pagpapatalsik sa Ombudsman mismo,” aniya. Ernie Reyes


  •  
  •  
  •  

Loading...