Pagdedeklara ng nat’l state of calamity, inirekomenda ng NDRRMC sa hagupit ni ‘Paeng’

Pagdedeklara ng nat’l state of calamity, inirekomenda ng NDRRMC sa hagupit ni ‘Paeng’

October 30, 2022 @ 8:45 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Inirekomenda ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), araw ng Sabado, Oktubre 29 na ilagay ang bansa sa ilalim ng state of calamity bunsod ng matinding pamiminsala na dala ng Severe Tropical Storm na si  Paeng.

 Sa  briefing kasama si Pangulong Ferdinand  Marcos Jr., inirekomenda ni  NDRRMC Executive Director and Office of Civil Defense Administrator Raymundo Ferrer sa Punong Ehekutibo na magdeklara ng state of calamity sa loob ng isang taon, maliban na lamang kung maaga at kaagad na babawiin.

Magagawa kasi ng gobyerno sa ilalim ng state of calamity na magdagdag ng pondo para sa disaster relief at magpatupad ng price freeze sa mga pangunahing  bilihin.

Bilang tugon, sinabi ng Pangulo na hihintayin muna niya at pag-aaralan ang resolusyon na isinumite ng  NDRRMC.

“I just have one question, itong final recommendation ninyo, national state of calamity yung what you are recommending, but there are areas that are not in the state of calamity,” wika ng Pangulo.

“Maraming regions are affected, that already justifies the state of calamity. Let me wait for your resolution and tignan ko. It looks like especially Region 5, BARMM is going to be put under a state of calamity, kahit yun lang muna,” dagdag na pahayag nito.

Base sa pre-disaster risk assessment,  sinabi ni Ferrer na 15  mula sa  17 rehiyon at may may kabuuang 21,148 barangay ang  “susceptible”  sa pananalasa ni Paeng “as of October 28.”

Sinabi nito na  64  lalawigan ang nasa loob ng 850-kilometer diameter ni  Paeng, 25  naman ang nasa  high risk o nasa loob ng  200-kilometer diameter.

“In summary, 16 out of 17 regions are assessed as high risk,” ani Ferrer.

Inirekomenda rin ni Ferrer ang pagtanggap ng tulong o international assistance base sa pangangailangan.

Inilatag naman ni Ferrer sa Pangulo ang mga pigura ng mga namatay, nasugatan at nawawala  dahil kay Severe Tropical Storm na si  Paeng.

Sa isinagawang  full council meeting ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), araw ng Sabado, Oktubre 29, nag-presenta si Ferrer kay Pangulong Marcos at sa mga dumalo sa pulong.

Ani Ferrer, 45 indibidwal ang namatay, 33 ang nasugatan at 13 ang missing persons ang naiulat sa mga  Rehiyon na 6, 12, at BARMM.

Mayroon naman wika ni Ferrer na 41,378 pamilya o  158,040 indibidwal ang nauna nang inilikas sa mga rehiyon ng Calabarzon, Mimaropa, 5, 6, 7, 8, at 10.

Mayroon naman aniyang  72,716 pamilya o  271,359 katao ang apektado sa mga  rehiyon ng CAR, Calabarzon, Mimaropa, 5, 6, 7, 9, 11, 12, at Caraga.

May kabuuang 8,083 pamilya o 31,140 indibiduwal ang kasalukuyan ngayong nasa temporary shelter, sa loob at labas ng evacuation centers.

Mayroon namang 219 lugar ang nananatiling lubog sa tubig-baha habang 37 rain-induced landslides ang naitala sa  mga rehiyon ng Calabarzon, Mimaropa, 5, 6, 7, 8, 9, 12, Caraga, at BARMM.

Sinabi pa ni Ferrer na  68 lansangan at 17 tulay ang hanggang sa kasalukuyan ay hindi madaanan sa mga rehiyon ng 2, 5, 6, 8, 12, CAR, at BARMM.

Naranasan naman ang power interruptions sa 19 na munisipalidad sa Calabarzon at mga rehiyon ng 5, 6, at 12.

Samantala,  72 seaports ang non-operational sa Calabarzon, Mimaropa, at Regions 5, 6, 8, at 11.

Mayroon namang 3,376 pasahero, 976 rolling cargoes, 86 vessels, at 19 motorbancas ang  stranded.

Limang domestic flights naman ang kanselado sa Region 5.

May kabuuang  293 damaged houses ang naitala kung saan  172 ang  partially damaged at 121 naman ang totally damaged sa mga rehiyon ng 6, 7, 11, 12, Caraga, at BARMM. Kris Jose