‘Pagdedma’ ni PBBM sa hirit na phone call kay Zelensky, itinanggi

‘Pagdedma’ ni PBBM sa hirit na phone call kay Zelensky, itinanggi

January 16, 2023 @ 7:56 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Itinanggi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na dinedma nya ang makailang ulit na request ng Kyiv na kausapin nito ang kanyang Ukrainian counterpart na si Volodymyr Zelensky.

Ang paglilinaw na ito ng Pangulo ay matapos na sabihin ni Ukrainian Embassy in Malaysia Charge d’Affaires Denys Mykhailiuk na hanggang ngayon ay hindi pa rin tumutugon ang Pilipinas sa “multiple requests” ng Ukraine para sa phone call sa pagitan nina Pangulong Marcos at Zelensky para pag-usapan ang bilateral cooperation.

“There was talk of it a few months ago, pero hindi lang napag-usapan. Nagulat kami when the special envoy came out and said na hindi sinasagot. Sinagot namin, but we didn’t get it scheduled,” ayon sa Pangulo sa isang panayam.

Noong nakaraang linggo kaagad namang humingi ng paumanhin si Mykhailiuk matapos sabihin ni DFA Undersecretary for Multilateral Affairs and International Economic Relations Carlos Sorreta na ang ginawa ng opisyal ay hindi magandang diplomatikong kasanayan na dapat gawin.

Sa kabilang dako, sinabi ni Pangulong Marcos na masaya ang Pilipinas na makapagbigay ng suporta sa Ukrainian government na kakailanganin nito habang nagpapatuloy ang girian sa Russia.

“I have no problem with talking to President Zelensky, especially now na mainit ang giyera dun sa kanila. So of course we are again on the side of this, and that remains to say that any expressions of support that he might feel is needed, we are happy to provide,” ang wika ng Pangulo.

At sa tanong naman kung handa ang Philippine government na mag- co-sponsor sa peace plan ng Ukraine, sinabi ni Pangulong Marcos na ang usapin ay sa pagitan ng Kyiv at Moscow para pag-usapan

“That’s not for us to decide, those details, are, should there be talks, between Ukraine and Russia. Sila mag-usap dyan,” ayon sa Pangulo.

“We support any effort for peace, anything, basta matigil ang patayan, matigil ang gyera. Yun na muna. And tapos kung paano nila gagawin, what they would do with the territories… and etc, that is really clearly between the 2 countries,” aniya pa rin

Samantala, kabilang naman sa 10-point peace plan na nauna nang binalangkas ni Zelensky sa United Nations ay ang “restoration of Ukraine’s territorial integrity and seeking punishment for Russia’s aggression, including the implementation of sanctions and the creation of a tribunal to punish Russia for invading Ukraine.” Kris Jose