Pagdinig ng Senado sa isyu ng Boracay, pinangunahan nina Senator Binay at Senator Trillanes

Pagdinig ng Senado sa isyu ng Boracay, pinangunahan nina Senator Binay at Senator Trillanes

July 16, 2018 @ 3:50 PM 4 years ago


Manila, Philippines – Pinangunahan nina Senator Nancy Binay at Senator Antonio Trillanes IV ang pagbubukas ng pagdinig kaugnay sa kondisyon ng Boracay at iba pang tourist destination sa bansa.

Sa paunang salita ni Binay bilang head ng Senate Committee on Tourism, ipinaliwanag nitong ang pagdinig ay para malaman ang sitwasyon at kondisyon ng mga pangunahing isla na puntahan ng mga turista.

Dagdag pa nito, gusto rin niyang malaman ang update sa rehabilitasyong ginagawa ngayon sa isla ng Boracay.

Sa isang panayam nitong Marso, inamin ni Binay na hindi naging madali ang pakikipag-ugnayan kay Trillanes lalo na’t isa ito sa mga kritiko ng kanyang ama na si dating Vice President Jejomar Binay.

“Siguro ang pinakamalaking challenge na lang dun sa isa, kay Trillanes. Hindi kami nag-uusap, hindi kami naga-eye contact,” aniya.

Pero nang lumaon ay naging okay na rin naman ang kanilang pag-uusap.

“Nag-explain lang siya kung ano ang pinanggalingan niya. In-explain na niya dati ‘yung sa kudeta, sa Oakwood, nung hindi sumipot ‘yung daddy ko,” paliwanag ni Binay.

“Naiintindihan din naman daw niya ako pero ayaw niyang i-force ang sarili niya kasi alam naman n’ya na nakasakit siya,” dagdag pa ng senadora.

“At least ngayon wala nang ganung awkward moment. Dati more on ilang, ngayon wala na.”

Inilarawan naman ni Trillanes ang kanilang pag-uusap na ‘very pleasant’ at wala rin naman aniya siyang masasabi kontra sa senadora. (Remate News Team)