Pagdinig ng Senate panel sa MIF bill tinapos na

Pagdinig ng Senate panel sa MIF bill tinapos na

February 27, 2023 @ 6:25 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Tinapos na ng Senate committee on banks, financial institutions and currencies nitong Lunes, Pebrero 27 ang pagdinig kaugnay sa panukalang bubuo sa Maharlika Investment Fund (MIF).

Ipinasa na ni Senador Mark Villar, chairperson ng committee, ang panukala sa technical working group (TWG) upang ayusin ang mga detalye at tugunan ang mga pangamba na inilahad sa tatlong pagdinig na isinagawa.

Ang TWG ay magsisimula sa Marso 1.

Kabilang sa mga detalye na nais ipalinaw ni Senador Nancy Binay ay ang komposisyon ng board of directors na mangunguna sa MIF.

Tinanong din ni Binay kung makakakuha ba ng pwesto sa Maharlika Investment Corporation ang isang foreign investor.

Ipinaliwanag naman ni National Treasurer Rosalia de Leon na maglalagay ng cap sa kung magkano lamang ang maaaring i-invest sa MIC dahil baka makakuha ng majority ng posisyon sa board ang mga dayuhang mamumuhunan.

Ani De Leon, plano nilang ilagay ito sa implementing rules and regulations (IRR).

“Eh di lagay na lang natin don sa board na no foreign entity can be part of the board regardless of investment. ‘Pag sinabi mong six regular members, Filipino lang ang pwedeng umupo don,” ani Binay.

“Kasi parang sinabi mo yung six regular members, will be coming from Landbank and DBP. I-state na natin na [Development Bank of the Philippines and [Landbank of the Philippines] will get three seats…di ‘ba? Kasi vague yung six regular members e parang pwede niyong ilagay sa IRR na makakapasok din ang foreign entity,” dagdag pa niya.

Sinabi naman ni Villar na nagpahayag ang Department of Finance na bukas sila sa mga pagbabago sa board composition.

Matatandaan na nauna nang pinuna ni Senador Francis Escudero sa unang pagdinig ang komposisyon ng board of directors na mangangasiwa sa MIF.

Sa parehong bersyon ng Kamara at Senado sa MIF bill, ang board of directors ng Maharlika Investment Corporation (MIC) ay binubuo ng:

– Secretary of Finance as chairperson;
– Chief Executive Officer of the Maharlika Investment Corporation;
– President of the LBP;
– President of the DBP;
– Six regular members representing the contributors to the fund, with the seats distributed in proportion to their corresponding investments; and
-Five independent directors from the private sector, the academe, business sector and investment sector. RNT/JGC