Pagdinig sa kaso ng pagpatay kay Degamo, ipalilipat ng DOJ sa Maynila

Pagdinig sa kaso ng pagpatay kay Degamo, ipalilipat ng DOJ sa Maynila

March 9, 2023 @ 11:07 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Hihilingin ng Department of Justice na mailipat sa Manila ang lahat ng mga isasampang kaso kaugnay sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at walong iba pa.

Ayon kay Justice Spokesperson Mico Clavano, nagdesisyon ang DOJ at Interior and Local Government na maghahain ng petisyon upang mailipat sa Maynila ang magiging trial sa Degamo killing.

Una nang inihain sa Tanjay Regional Trial Court ang tatlong counts ng murder at frustrated murder laban sa apat na naarestong suspek.

Ang mga kasong illegal possession of firearms, ammunitions and explosives laban naman sa tatlong respondents ay inihain sa Bayawan City RTC.

Ipinaliwanag ni Clavano na pag-iisahin muna ang lahat ng mga isasampang kaso sa mga korte sa Negros Oriental na may kinalaman sa Degamo killing.

Pagkatapos aniya nito ay maghahain ang DOJ ng petition para sa transfer of venue of cases para sa Manila maisagawa ang mga pagdinig.

Sinabi ni Clavano na layon nito na maiwasan ang anumang prejudgement at bias lalo pa at malinaw ang nagaganap na political struggle sa naturang lugar.

Mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nagsabi na politika ang ugat ng pamamaslang kay Degamo.

Naniniwala ang DOJ at DILG na magkakaroon ng mga problema at hamon kung sa Negros Oriental isasagawa ang paglilitis sa mga kaso.

Nais ng DOJ na mapanatili ang integridad ng kaso at matiyak na magiging patas ang ebalwasyon at prosekusyon ng mga ito. Teresa Tavares