Pagdinig sa P5 taas-pasahe kasado sa Marso 1

Pagdinig sa P5 taas-pasahe kasado sa Marso 1

February 28, 2022 @ 5:21 PM 4 months ago


MANILA, Philippines – Umaasa ang mga transport group na ang kanilang petisyon na taasan ang pasahe sa jeep ng P5 ay diringgin ng mga ahensya ng gobyerno ngayong linggo, sa gitna ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Sinabi ni Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) Ricardo “Boy” Rebaño, itinakda sa Martes, Marso 1, 2022 ang pagdinig para sa petisyon ng fare hike sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

“Mukhang magsisimula na po ‘yung hearing sa LTFRB para sa petition for fare increases na P5,” aniya sa isang ulat.

“Halos ‘yung nagba-boundary na lang po ‘yung mga driver doon sa mga gasoline stations eh, dahil sa taas po ng presyo ng mga petroleum product na ‘yan,” paliwanag pa niya.

Ngayong linggo ipatutupad ang ika-siyam na sunod na oil price hike.

Ang pinakahuling datos ng gobyerno ay nagpapakita na ang year-to-date adjustments ay nasa kabuuang net increase na P8.75 kada litro para sa gasolina, P10.85 kada litro para sa diesel, at P9.55 kada litro para sa kerosene noong Pebrero 22, 2022.

Naitala naman ang net increase ang taas-presyo sa produktong petrolyo sa P17.65 kada litro para sa gasolina, P14.30 kada litro para sa diesel, at P11.54 kada litro para sa kerosene noong 2021.

Ang Department of Energy (DOE) ay paulit-ulit na iniugnay ang magkasunod na pagtaas ng presyo sa mga hadlang sa pandaigdigang suplay, na pinalala ng patuloy na geopolitical na tensyon sa pagitan ng Russia at Ukraine. RNT