Pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno, matagumpay – church official

Pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno, matagumpay – church official

January 9, 2023 @ 12:10 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Matagumpay ang Pista ng Itim na Nazareno at walang naitalang untoward incidents ayon sa opisyal ng Quiapo church.

Umaasa si Quiapo Church spokesperson Fr. Earl Allyson Valdez na mananatiling maayos ang sitwasyon sa simbahan at Quirino Grandstand kung saan ginaganap ang “Pagpupugay” sa Black Nazarene hanggang matapos ang Kapistahan.

Ayon sa pari, simula Enero 7 ay matagumpay ang mga kaganapan at naabot ang layunin na magkaroon ng makabuluhan at ligtas na pagdiriwang para sa mga deboto.

“Wala tayong na-report na security threats. Wala tayong na-report na untoward incidents na nakagulo sa mga pagdiriwang. Kaya sa kabuuan, kami ay natutuwang sabihin sa inyo na naging matagumpay po ang ating Nazareno 2023,” dagdag pa ni Fr. Valdez.

Sa kasalukuyan, umabot na sa mahigit 100,000 ang dumagsa sa Quirino Grandstand sa Luneta Park sa Manila para sa Misa Mayor na idinaos ng madaling araw nitong Lunes.

May isinasagawa ring misa kada oras sa Quiapo church simula alas-12 ng madaling araw habang ang huling misa ay magsisimula ng alas-11 ng gabi.

Pinaalalahanan ni Valdez ang mga tao na planong bumisita sa Quiapo church at Quirino Grandstand na huwag nang magdala pa ng mga bagay na ipinagbabawal at sumunod sa mga patakaran.

“Inaanyayahan natin ang lahat. Kaya lang po, sundin natin ang dapat at hindi dapat gawin, ang dapat at hindi dapat dalhin. ‘Wag na sana tayong kumontra at magpasaway sa mga gabay at ushers natin. Sundin natin ang instructions nila lalo na sa pagpasok at paglabas ng Simbahan at ng Grandstand,” paalala ng pari.

Noong Linggo, nasa 50,000 deboto ang dumalo sa Walk of Faith kapalit ng Traslacion, ayon kay Manila Police District director Police Brigadier General Andre Dizon.

Nagsimula ang paglalakad mula sa Quirino Grandstand sa Luneta Park dakong ala-1:30 ng madaling araw nitong Linggo, at natapos pagkalipas ng dalawa’t kalahating oras pagdating sa Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church. Jocelyn Tabangcura-Domenden