Paggalaw sa presyo ng langis, kasado sa Martes

Paggalaw sa presyo ng langis, kasado sa Martes

March 13, 2023 @ 12:00 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Nakatakdang itaas ng oil firms ang presyo ng gasolina sa ikalawang sunod na linggo ngayong Martes, habang tatapyasan naman ang presyo ng diesel at kerosene.

Sa magkahiwalay na abiso, inanunsyo ng Pilipinas Shell Petroleum Corp. at Seaoil Philippines Corp. na tataasan ang presyo kada litro ng gasolina ng P1, habang tatapyasan naman ang sa diesel ng P0.10, at kerosene ng P0.60.

Epektibo ito sa Martes, Marso 14, 2023, alas-6 ng umaga.

Hindi pa nag-aanunsyo ang ibang kompanya hinggil dito.

Batay sa pinakabagong datos mula sa Department of Energy (DOE), nakasaad ang year-to-date net income na P5.70 kada litro para sa gasolina, at net decreases na P0.90 kada litro para sa diesel at P1.05 kada litro para sa kerosene hanggang nitong Marso 7, 2023. RNT/SA