Paggalaw sa presyo ng produktong petrolyo, asahan sa sunod na linggo

Paggalaw sa presyo ng produktong petrolyo, asahan sa sunod na linggo

November 12, 2022 @ 12:24 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Masamang balita sa mga motorista partikular na sa mga kumokonsumo ng gasolina dahil sa inaasahang muling dagdag-presyo nito habang may katiting naman na bawas-presyo sa produkto ng diesel sa darating na linggo.

Base sa oil trading monitoring sa nakalipas na apat na araw, sinabi ng isang source na nagmula sa industriya ng langis na posibleng tumaas ang presyo ng gasolina at kerosene ngayong darating na linggo habang may katiting naman na bawas presyo sa kada litro ng diesel o kaya naman ay wala itong paggalaw sa presyo.

Nabatid na maaaring matapyasan ang kada litro ng diesel sa P0.10 hanggang P0.30 habang ang kada litro naman ng gasolina ay tataas ng P0.70 hanggang P0.90.

Karaniwang nag-aanunsiyo ng price adjustment ang mga kompanya ng langis tuwing Lunes na ipatutupad naman sa susunod na araw.

Matatandaan na epektibo nitong Nobyembre 8 ay nagpatupad ang mga kompanya ng langis sa bansa ng dagdag presyo na P1.40 sa kada litro ng gasolina habang nagtapyas naman ng presyo ng P0.50 sa kada litro ng diesel at P0.35 sa kada litro naman ng kerosene.

Dahil dito, ang year to date na kabuuang adjustments ay tumaas ng P17.25 kada litro ng gasolina, P36.30 sa kada litro ng diesel, at P28.60 sa kada litro ng kerosene. JAY Reyes