Paggalaw sa presyo ng produktong petrolyo, gugulong sa Martes

Paggalaw sa presyo ng produktong petrolyo, gugulong sa Martes

January 16, 2023 @ 11:15 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Matapos ang ipinatupad na oil price rollback nitong nakaraang linggo, magpapatupad naman ng dagdag-bawas sa presyo ng mga produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis sa bansa epektibo bukas.

Sa abiso ng mga kompanya ng langis na pinangunahan ng Pilipinas Shell, Petron Corporation, Seaoil, PTT Philippines, Total Philippines, Unioil, Petro Gazz at Phoenix Petroleum, magpapatupad sila ng dagdag presyo na P0.95 sa kada litro ng gasolina at P0.50 sa kada litro ng diesel habang katiting na bawas presyo na P0.15 sa kada litro ng kerosene epektibo alas-6 ng umaga.

May dagdag-bawas din sa kahalintulad na halaga ng mga produktong petrolyo ang kompanyang Caltex (CPI) na magiging epektibo alas-12:01 ng madaling araw at CleanFuel na magiging epektibo alas-4:01 bukas ng hapon.

Ang ipapatupad na dagdag-bawas sa presyo ng mga produktong petrolyo ay bunsod sa patuloy na paggalaw ng presyuhan nito sa pandaigdigang merkado.

Matatandaan na nito lamang nakaraang linggo ay nagpatupad ng oil price rollback ang mga kompanya ng langis sa bansa na P2.80 sa kada litro ng diesel at P2.10 sa kada litro ng kerosene habang katiting na bawas presyo din na P0.75 sa kada litro ng gasoline. JAY Reyes