Paggamit ng COVID-19 booster shot ‘di pa inirerekomenda – eksperto

Paggamit ng COVID-19 booster shot ‘di pa inirerekomenda – eksperto

July 13, 2021 @ 11:13 AM 1 year ago


MANILA, Philippines – Hindi pa inirerekomenda ng vaccine expert panel ng gobyerno ang paggamit ng booster shot upang mapataas ang proteksyon laban sa coronavirus disease (COVID-19).

“Sa ngayon, talagang wala pa tayong recommendation for an additional dose doon sa nakatanggap na ng 2 dose kung ano man ang vaccine na natanggap nila,” sinabi ni Dr. Rontgene Solante sa TeleRadyo.

Ayon kay Solante, naobserbahan ng panel na ang mga nakakumpleto ng dalawang dose ng bakuna ay protektado na laban sa COVID-19.

“Too early dahil for us nakita natin na ‘pag natanggap mo ‘yung 2-dose, it’s more than enough for us to be protected even with these variants of concern,” giit nito.

Saad pa ni Solante na dahil sa limitadong suplay ng bakuna kaya’t hindi pa inirerekomenda ang paggamit ng booster shot.

“We don’t recommend the booster at this point in time also because if a lot of us have not been given the vaccine, we have to prioritize those priority population to receive the 2-dose vaccine rather than giving the third dose,” aniya.

Matatandaang nakatanggap ng apat na dose ng COVID vaccine si San Juan City Rep. Ronaldo Zamora.

“Hindi magandang tingnan na people are already getting their third or fourth doses where in fact, marami pang hindi nakatanggap ng isang dose,” punto ni Solante.

Nagbabala naman ang Department of Health na parurusahan ang sinumang doktor na magtuturok ng sobrang bakuna sa isang pasyente. RNT/ELM