Paggamit ng droga, ‘di isasalegal – Robin

Paggamit ng droga, ‘di isasalegal – Robin

November 30, 2022 @ 5:26 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nilinaw ni Senador Robin Padilla na hindi nila ipinanunukala ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na gawing legal ang paggamit ng illegal drugs upang mabawasan ang pagsisikip sa kulungan kundi sagipin ang small –time drug user sa pamamagitan ng rehabilitasyon sa halip na ikulong.

Kamakailan, inihain ni Dela Rosa ang panukalang decriminalization ng paggamit ng droga saka nagpahayag ng suporta si Padilla dito.

“Ngayon kaya namin sinasabi na i-decriminalize po natin, dahil karamihan ng nakakulong ay mahirap na tao,” ani Padilla sa interview sa Senado.

“Pag sinabi nating mahirap na tao, yan ang nakuhanan ng piso, dalawang piso, isang joint, dalawang joint, three joints. Mga driver, labandero, labandera. Yan po yung mga nakakulong diyan,” dagdag niya

sinabi ni Padilla na ang decriminalization ay base sa haaga ng illegal drugs na hawak ng suspek o biktima.

“Halimbawa piso, dalawang piso o tatlong joint e bakit natin kailangan ikulong?” aniya.

“At hindi ko sinasabi at di sinasabi din po ni Senator Bato ng ating General Bato, na ile-legal. Kalokohan po yun. Hindi kailanman male-legal ang mga drugs. Ang sinasabi po namin ay itong mga mahuhulihan ng mga konting konti ay di kailangan idiretso sa kulungan,” giit ng mambabatas.

Taliwas sa kritiko ng panukala, sinabi ni Padilla na mas kanilang nalalaman ni Dela Rosa ang reyalidad sa loob ng kulungan.

Nakulong si Padilla sa illegal possession of firearms ngunit pinatawad ni dating Pangulong Fidel Ramos noong 1997.

Bukod sa naging hepe ng Philippine National Police (PNP) sa pagpapatupad mng madugong drug war, naging hepe din si Dela Rosa ng Bureau of Corrections. Ernie Reyes