Paggamit ng laser ng Chinese coast guard vessel sa PCG, kinondena

Paggamit ng laser ng Chinese coast guard vessel sa PCG, kinondena

February 13, 2023 @ 10:34 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Tahasang pagwawalang-bahala at isang malinaw na paglabag sa mga karapatan ng soberanya ng Pilipinas sa bahaging ng West Philippine Sea ang sadyang pagharang sa mga barko ng gobyerno ng Pilipinas upang maghatid ng mga pagkain at suplay sa mga tauhan ng militar na sakay ng BRP Sierra Madre.

Ito ang pahayag ng Philippine Coast Guard (PCG) sa nangyaring insidente sa WPS kung saan gumamit ng ‘green laser light’ ang Chinese coast guard vessel para itaboy ang barko ng PCG na BRP Malapascua (MMRRV-4403) sa Ayungin Shoal noong Feb. 6, 2023 dahilan ng pansamantalang pagkabulag ng mga crew ng barko sa bridge.

Bilang bahagi ng deployment plan, binago ng BRP Malapascua ang kanyang daan mula sa Ayungin Shoal at tumungo sa Lawak Island upang ipagpatuloy ang kanyang maritime patrol at suportahan ang BRP Teresa Magbanua (MRRV-9701) para sa RORE mission ng PCG sa mga sub-station nito sa Kalayaan Island Group .

Matatandaan na noong Agosto, pinigilan din ng CCG ang mga barko ng PCG na lumapit sa Ayungin Shoal habang nagbibigay ng seguridad sa isang PN resupply mission.

Ayon kay PCG Commandant CG Admiral Artemio M Abu, anuman ang mapanghamong sitwasyong ito, nananatiling matatag ang PCG sa pagprotekta sa soberanya at karapatan ng bansa at ng mga Pilipino sa West Philippine Sea.

“The PCG will continue to exercise due diligence in protecting the country’s territorial integrity against foreign aggression. The AFP can always rely on the PCG to support their resupply mission in Ayungin Shoal. Despite the dangerous maneuver of the much larger CCG ships and their aggressive actions at sea, the PCG ships will always be in the West Philippine Sea to sustain our presence and assert our sovereign rights,” sabi ng Komandante. Jocelyn Tabangcura-Domenden