Paggamit sa LTMS, tututukan na ng LTO

Paggamit sa LTMS, tututukan na ng LTO

February 10, 2023 @ 3:23 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Tuluyan nang gagamitin ng Land Transportation Office (LTO) ang bagong online platform nito na Land Transport Management System (LTMS) na papalit sa lumang legacy systems nito, sa Agosto 2023.

Sa pagdinig ng House committee on transportation nitong Huwebes, Pebrero 9, naglabas ng pahayag si LTO chief Jay Art Tugade kung saan ginagamit na sa maraming pagkakataon ang LTMS ng LTO.

Ayon kay Tugade, kabilang dito ang Driver’s Licensing System (DLS), renewal processing ng Motor Vehicle Inspection & Registration System (MVIRS), Law Enforcement & Traffic Adjudication System (LETAS), Revenue Collection System (RCS), Portal (front-facing application used by the general public), Online Application & Appointment System (OAAS), at Executive Information System (EIS).

“Once this is complete, the old system will be removed and the LTO will only use the LTMS,” ani Tugade.

Magiging available na rin sa Abril 30 ang pagbabayad ng multa sa traffic violations sa pamamagitan ng Law Enforcement Handheld Mobile Devices.

Ayon kay Tugade, nagpalabas na ang LTO ng memorandum circular na nag-uutos ng exclusive na paggamit sa LTMS para sa renewal ng MVIRS upang maiwasan ang pag-overlap sa sistema.

Sa ngayon ay isinasagawa na ng LTO ang pilot-testing sa tatlong bagong registration unit sites nito para sa MVIRS na magiging available na sa lahat ng 51 lugar sa bansa pagsapit ng Hulyo 30.

Kinukumpleto naman ang iba pang module sa LTMS para sa registration exam, kasunod ng full utilization nito sa Agosto.

Mula rito, ililipat na ang transactional data mula sa old system ng Stradcom sa Department of Information and Communications Technology at ililipat naman sa kasalukuyang provider ng ahensya na Dermalog. RNT/JGC