Paggamit sa single-use plastic ipagbabawal ng PCG sa mga tauhan

Paggamit sa single-use plastic ipagbabawal ng PCG sa mga tauhan

September 19, 2022 @ 3:31 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Isusulong ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pagbabawal ng single-use plastic sa kanilang mga tauhan bilang isa sa mga pagsisikap nitong itaguyod ang marine environmental protection.

Ibinahagi ni PCG Spokesperson, CG Commodore Armando Balilo, ang direktiba sa media sa National Maritime Week 2022 Press Conference na pinangunahan ng Philippine Ports Authority (PPA) ngayong araw, Setyembre 19.

Ayon kay CG Commodore Balilo, PCG Commandant, iuutos ni CG Admiral Artemio Abu sa mga kapwa Coast Guardian na sumunod sa nasabing kautusan upang mabawasan ang negatibong epekto ng single-use plastic sa mga karagatan ng bansa.

“We will impose penalties to our personnel who will disobey the directive. Kaya natin ito ipinapanukala para maging part ng conversations ng mga pasahero, shipping companies, at lahat ng stakeholders. Gusto natin sa Coast Guard na masimulan ito at mailagay sa isipan ng publiko para eventually, totally mawala na yung paggamit ng single-use plastic,” binigyan diin ni Balilo.

Ipinarating din ni CG Commodore Balilo na ang direktiba ay magiging pormal sa pamamagitan ng isang “Pledge of Commitment” na lalagdaan nina CG Admiral Abu, Maritime Industry Authority (MARINA) Administrator Hernan Fabia, at PPA Officer-in-Charge Francisquel Mancile sa Setyembre 25, 2022 — ang huling araw ng National Maritime Week 2022.

Kabilang sa mga single-use plastic items na ipagbabawal ngunit hindi limitado sa, plastic cups, drinking straws, plastic coffee stirrers, plastic utensils, sando bags, at plastic wrappers. Jocelyn Tabangcura-Domenden