Paggawad ng amnestiya sa illegal foreign POGO workers, binubusisi ng DOJ

Paggawad ng amnestiya sa illegal foreign POGO workers, binubusisi ng DOJ

October 18, 2022 @ 4:48 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Pinag-aaralan na ng Department of Justice ang posibilidad ng pagkakaloob ng “amnesty” para sa mga dayuhang empleyado ng mga iligal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).

Ayon kay Justice Sec. Jesus Crispin Remulla pinag-aaralan nila ang rekumendasyon ng Bureau of Immigration ukol sa pagsisimula ng proseso at pagbibigay ng amnestiya.

Nilinaw ni Remulla na hindi lamang ang mga ilegal POGO workers ang masasaklaw nito, kundi iba pang illegal aliens na naririto sa Pilipinas.

Ani Remulla, marami rin sa mga illegal alien ang kailangang mai-rekord ng tama, lalo’t mayroon sa kanila ay nagiging “milking cows” ng ibang mga tao.

Ayon pa sa kalihim, ang mga illegal alien na ito ang silang nakakawawa, dahil sa pagiging “undocumented” o expired na ang visa, at marami rin ang matagal nang panahon na nasa bansa.

Dagdag ni Remulla, kailangan ding mahinto ang “mistreatment” sa mga dayuhan, lalo’t maraming Pilipino na nasa abroad na mayroon ding kaparehong sitwasyon.

Hangad aniya ng gobyerno na maging maayos ang trato sa ating mga kababayan sa ibang bansa, kaya ang mga dayuhan na naririto sa Pilipinas ay marapat din na bigyan naman ng “humane treatment.” Teresa Tavares