Paggiba sa isinarang kalsada sa NBP, ikinatuwa ng Muntinlupa LGU

Paggiba sa isinarang kalsada sa NBP, ikinatuwa ng Muntinlupa LGU

November 19, 2022 @ 1:51 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Pinuri ni Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon ang bagong talaga na officer-in-charge (OIC) ng Bureau of Corrections (BuCor) na si Gregorio Pio Catapang sa paggiba ng iniharang na pader sa kalsada na malaking kaluwagan para sa mga tao lalo na sa mga estudyante na dumadaan sa New Bilibid Prison (NBP) Reservation sa Barangay Poblacion.

Ayon kay Biazon, ang tinutukoy na isinara ng BuCor sa pamamagitan ng paglalagay ng pader sa gitna ng kalsada noong Marso 2021 ay agn daan patungong Southville 3 housing project sa Barangay Poblacion, Muntinlupa.

Kasabay nito ay pinasalamatan din ni Biazon si Catapang dahil sa kanyang pagmamalasakit sa mga residente ng lungsod na naapektuhan ng pagsasara ng nabanggit na kalsada.

Sinabi ni Biazon na sa pagbisita sa kanyan ni Catapang ay ang unang isyu na agad nilang tinalakay ay ang isinarang kalsada sa NBP na nagin gugat ng hindi pagkakaintindihan sa pagitan ng lokal na pamahalaan at ng BuCor.

“Nakiusap ako na bigyang consideration ang kalagayan ng mga kababayan natin lalo na yung mga kabataan na nahihirapan sa pagpasok sa eskwela,” ani Biazon.

Sa panig naman ni Catapang ay sinabi nito na ang pagbabawal na makapasok sa NBP ay isang paglabag.

“Bibigyan ko ng access yung mga tao kasi dapat yan, without sacrificing the security of the [NBP] camp, yung mga tao nakakagalaw din. Freedom of movement. Violation yan kung ano sa Constitution yan,” ani Catapang.

Sa isyu naman ng posibleng banta ng seguridad kung sakaling payagan na makapasok ang mga sibilyan sa loob ng NBP Reservation ay sinabi ni Catapang maaari naman itong i-minimize kung may tamang pagpapatupad ng sistema.

Sinabi ni Catapang na sa mga bawat papasok na sibilyan sa kanilang property ay kanyang pakikiusapan na i-identify ang kanilang sarili bago sila mapagbibigyan na makidaan sa lugar.

“In the same manner, gusto ko rin i-recognize yung karapatan yung freedom of movement. E siyempre lalo na yung mga bata, nag-uuulan, nababasa, paano yan? Magkakasakit e di ako pa ang masisisi diyan,” dagdag pa ni Catapang.

Sa pagsassara ng nabanggit na kalsada ay naapektuhan ang mga estudyante na nag-aaral sa tatlong eskwelahan sa loob ng NBP na kinabibilangan ng Itaas Elementary School (IES), Muntinlupa National High School-Main (MNHSM), at Pamantasan ng Lungsod ng Muntinlupa (PLM). James I. Catapusan