Paghabla ng mga dating kasambahay kay Ruffa Gutierrez isinapubliko ni Guanzon

Paghabla ng mga dating kasambahay kay Ruffa Gutierrez isinapubliko ni Guanzon

July 21, 2022 @ 2:07 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Nahaharap si Ruffa Gutierrez sa reklamong inihain sa ilalim ng National Labor Relations Commission (NLRC) ng kanyang dalawang dating kasambahay, na diumano’y pinaalis ng aktres nang hindi ibinigay ang kanilang sahod.

Ipinakita ni P3PWD Rep. Rowena Guanzon, na naglabas sa publiko ng isyu kung saan dawit ang aktres, ang isang screenshot ng “Notice of Conference” na nakapangalan sa aktres, sa kanyang Twitter page nitong Miyerkules.

“The [two] former kasambahay of [Ruffa Gutierrez na taga Kabankalan, Negros Occidental] filed a complaint in the NLRC for back wages and damages,” ani Guanzon.

Nakasaad sa notice na iniimbitahan si Gutierrez sa isang conciliation-mediation conference “for purposes of resolving the issues.” Nakatakda ito sa Hulyo 27 sa Quezon City.

Sa kasalukuyan ay wala pang komento si Gutierrez at ang kanyang kampo ukol sa reklamo.

Nauna nang pinabulaanan ng abogado ni Gutierrez ang mga akusasyon laban sa aktres at sinabing ito ay “black propaganda” laban kay Gutierrez. Ipinagtanggol din siya ni Annabelle Rama, nanay ni Gutierrez at sinabi sa umano’y “rumormonger” na huwag makialam. RNT/SA