Paghahabol ng PH sa WPS, palalakasin ni Tolentino

Paghahabol ng PH sa WPS, palalakasin ni Tolentino

August 11, 2022 @ 2:48 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Inaatasan ang lahat ng kinauukulang ahensiya ng pamahalaan na palakasin ang pagsusulong ng karapatan ng bansa sa West Philippine Sea (WPS) sakaling maisabatas ang Senate Bill No. 405, ayon kay Senador Francis Tolentino nitong nakaraan.

Sa pahayag, sinabi ni Tolentino, vice chairperson ng Senate committee on foreign relations, na dapat ma-institutionalize ang paghahabol ng bansa sa WPS sa pamamagitan ng pormal na pagtatalaga ng nomenclature bilang bahagi ng umiiral na batas ng bansa.

“As patriotic citizen, Filipinos should assert their sovereign rights over the country’s Exclusive Economic Zone (EEZ) for the purpose of exploring and exploiting, conserving, and managing its natural resources, whether living or non-living, of the waters superjacent to the seabed and of the seabed and subsoil with the concomitant duty to protect and preserve the marine environment,” ayon kay Tolentino.

Inaatasan ng Section 2 ng panukala ang National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA) na lumikha at magpalimbag ng chart at mapa ng Pilipinas na naglalaman ng nomenclature na”West Philippine Sea” o ang “Kanlurang Dagat ng Pilipinas.”

Sakaling maisabatas ang panukala, inaatasan nito ang Department of Foreign Affairs (DFA) na magdeposito ng kopya ng batas at iba pang mahahalagang dokumento sa Secretary General ng United Nations (UN) at bigyan ng kalatas ang lahat ng international at intergovernmental organizations tulad ng United Nations Statistical Commission (UNSC), Intergovernmental Oceanographic Commission of the United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO), United Nations Group of Experts on Geographical Names (UNGEGN), at ang International Hydrographic Organization (IHO).

Inaatasan din ng SBN 405 ang lahat ng departments, subdivisions, agencies, at instrumentalities ng Philippine government na gamitin at pairalin ang pangalang West Philippine Sea o ang “Kanlurang Dagat ng Pilipinas” sa lahat ng komunikasyon, mensahe at public documentos at palaganapin ang paggamit nito sa pangkalahatang publiko, kapwa domestiko at pandaigdigan.

Base sa panukala, inaatasan din ang lahat ng pribadong institutisiyon, organisasyon at establisiyemiento, kahit organisado sa ilalim ng batas ng Pilipinas at dayuhan, na kumikilos sa loob ng bansa o dumadaan sa teritoryo ng Pilipinas na gamitin ang pangalang West Philippine Sea oKanlurang Dagat ng Pilipinas sa lahat ng komunikasyon, kalatas at mensahe sa loob at labas ng bansa.

“During the past decade, the actions of China in establishing control over the region for economic and military purposes intrude upon the sovereign rights of the Philippines over its EEZ. China’s buildings and offshore harbor in Mischief Reef, which are well within our EEZ, required major excavation and destruction of significant coral reef areas,” giit ni Tolentino.

Tinukoy din ni Tolentino ang archipelagic doctrine na kinilala ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) na nagbibigay karapatan sa Pilipinas sa territorial sea hanggang 12 nautical miles, isang contiguous zone hanggang 24 nautical miles, at EEZ hanggang 200 nautical miles.

“This shall all be measured from the archipelagic baselines drawn in accordance with the Article 47 of the UNCLOS,” giit pa ni Tolentino.

Inilagay naman sa karagatan at katubigan ng Luzon ang lahat ng isla na nakapaligid dito kabilang ang Kalayaan Island Group sa Palawan at Bajo de Masinloc, kilala bilang Scarborough Shoal sa Zambales, na sakop ng teritoryo ng WPS.

“During the recent 55th ASEAN Foreign Ministers’ Meeting in Cambodia, the Department of Foreign Affairs (DFA) asserted its territorial ownership of the disputed territories by citing the arbitral award, noting that The Hague ruling, as well as the 1982 UNCLOS, are the twin anchors of policy and actions of the Philippines on the WPS,” ani Tolentino. Ernie Reyes