Paghahain ng COC, wag gawing pang-FB lang – Guanzon

Paghahain ng COC, wag gawing pang-FB lang – Guanzon

October 11, 2018 @ 4:10 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Umapela sa mga kandidato si Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guazon na igalang ang proseso ng eleksyon at huwag itong gawing katatawanan o pang-Facebook post lamang.

Ito’y kasunod na rin nang inaasahan nang paghahain ng daang katao ng kanilang kandidatura para sa May 13, 2019 elections, ngunit malaunan ay uurong lamang din sa eleksyon o di kaya ay madedeklara lamang na nuisance candidate o panggulong kandidato.

Ayon kay Guanzon, tulad noong nakalipas na halalan ay inaasahan na nilang posibleng abutin rin ng mahigit sa 100 ang mga maghahain ng certificate of candidacy (COC) sa pagka-senador.

Aniya, noong 2016 senatorial race ay umabot sa mahigit 140 kandidato ang naghain ng COC.

Gayunman, 50 lamang sa mga ito ang pinayagang tumakbo habang nadiskuwalipika at nadeklarang nuisance ang iba pa.

Pinakiusapan naman sila ng commissioner na kung wala naman silang bona fide o tunay na intensiyon na maghain ng kandidatura at tumakbo sa eleksyon ay huwag na lamang ituloy ang pagsusumite ng COC dahil nakakadagdag lamang ito ng trabaho sa poll body.

Aminado naman si Guanzon na hindi nila maaaring pigilan ang mga ito na maghain ng COC dahil karapatan nila ito sa ilalim ng batas.

Gayunman, nanindigan si Guanzon na hindi rin naman nila dapat na gawing ‘joke’ o katatawanan lamang o pang-souvenir sa Facebook ang COC filing.

“Ang sa amin lang po talaga, kung hindi nila totohanan talaga, sana ‘wag nilang gawing katatawan ito o kaya pang-souvenir lang sa kanilang Facebook,” ani Guanzon, sa panayam.

“Ang demokrasya hindi naman dapat talagang ginagawang katatawanan o joke lang ba,” aniya pa.  “Kung hindi naman kayo talagang totoong tatakbo at kakampanya, ‘wag na lang po mag-file ng COC,” panawagan pa niya.

Ayon sa commissioner, ang mga itinuturing na nuisance candidate ay yaong nagsumite lamang ng kandidatura upang gawing katatawan ang halalan, lumikha ng kalituhan dahil may kapareho silang pangalan at wala naman talang bona fide na intensiyon upang tumakbo sa eleksyon.

“They just file their candidacy to make a mockery, para gawing katatawanan itong eleksyon o kaya to cause confusion dahil magkapareho sila ng pangalan … Wala naman silang bona fide na intensyon to run, ‘yan po ang mga nuisance candidate,” aniya.

“We should not do that because democracy is an important matter,” dagdag pa niya.

Nitong Huwebes, Oktubre 11, ay pormal nang nagsimula ang COC filing para midterm polls at inaasahang magtatagal ito hanggang sa Oktubre 17. Macs Borja