Paghahanap sa nawawalang Cessna plane, puspusan na

Paghahanap sa nawawalang Cessna plane, puspusan na

January 25, 2023 @ 4:15 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Pinaigting pa ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang paghahanap sa nawawalang Cessna plane sa Isabela matapos hindi na ma-kontak ng mga awtoridad ang naturang aircraft.

Sa impormasyon, tinukoy ang eroplano na RPC1174 na may sakay na anim katao.

Wala pang maibigay na pagkakakilanlan ang CAAP sa mga sakay na pasahero at piloto nito.

Nitong Martes, Enero 24, umalis ang eroplano sa Cauayan Airport 2:15 ng hapon at inaasahang lalapag sa Maconacon Airport bandang 2:45 ng hapon ngunit ayon sa air traffic controller, hindi na nila makontak ang naturang eroplano bandang 2:19 p.m. sa bisinidad ng Naguillan Bridge.

Ayon sa CAAP, itinaas na nila sa “Distress Phase” ang alert level bandang alas-4 ng hapon at kagyat nagkasa ng search and rescue operation sa pagpalya ng communication search para rito.

Sinabi naman ni Col. Ma. Conseulo Castillo, tagapagsalita ng Philippine Air Force (PAF) sa panayam ng CNN Philippines, na nakaabang na ang dalawang helikopter ng PAF para sa isasagawang search and rescue operation.

Sa pahayag, sinabi naman ni Col. Sadiri Tabutol, PAF Tactical Operations Group 2 commander, na magpapatuloy ang operasyon sa oras na gumanda na ang panahon.

Dagdag pa ni Tabutol, nagpadala na sila ng drone sa Barangay Sapinit at Barangay Dicambangan sa Divilacan, Isabela, mga lugar na ayon sa mga sundalo ay posibleng pinagbagsakan ng eroplano.

Posibleng ang masamang panahon ang dahilan kung bakit nawala ang naturang Cessna plane.

Sinabi naman ng local disaster response team nitong Miyerkules, Enero 25 na nakatanggap umano sila ng ulat mula sa mga residente na nakarinig sila ng malakas na tunog na posibleng dulot ng makina ng eroplano, malapit sa Susong Dalaga, Diffun, Quirino.

May natanggap din silang ulat ng malakas na pagsabog sa Barangay Sapinit.

Nilinaw naman ng Cauayan Regional Disaster Risk Reduction Management Council na hindi pa nila nakukumpirma ang naturang mga ulat. RNT/JGC