Paghahanap sa nawawalang Cessna sa Isabela, naudlot sa masamang panahon

Paghahanap sa nawawalang Cessna sa Isabela, naudlot sa masamang panahon

February 27, 2023 @ 2:18 PM 4 weeks ago


ISABELA – Nagdesisyon ang mga rescuers at naghahanap sa nawawalang Cessna plane sa Isabela na ihinto muna ang kanilang operasyon dahil sa masamang panahon.

Sa update ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) nitong Lunes, Pebrero 27, sinabi ni PDRRMO head Constante Foronda Jr. na maulan at malakas ang hangin sa Divilacan mula pa noong Sabado, Pebrero 25.

“It has been rainy and windy in Divilacan since February 25. However, those who were deployed before the weather went bad chose to stay in the mountains,” aniya.

“Only the Coast Guard K9 team and Maconacon rescuers are now resting, but they will be deployed anew when the weather improves,” dagdag nito.

Matatandaan na noong Huwebes, Pebrero 23 ay nagbalik-operasyon ang rescue team sa paghahanap sa nawawalang eroplano matapos din itong suspendihin ng ilang araw dahil pa rin sa masamang panahon.

Sa kasalukuyan ay mayroon nang 452 ground search personnel at 13 tracker dogs ang tumutulong sa operasyon, ayon sa Incident Management Team.

Noong Enero 24 ay napaulat na nawawala ang Cessna C206 plane RPC 1174 matapos umalis sa Cauayan Airport, Isabela bandang 2:15 ng hapon patungo sa bayan ng Maconacon.

Makalipas ang ilang minuto ay nawalan na ng komunikasyon ang piloto sa air traffic controller na inaasahan sanang lalapag bandang 2:45 ng hapon.

May sakay ang naturang eroplano na limang pasahero at ang piloto nito. RNT/JGC