Paghahanap sa nawawalang Cessna sa Isabela, tuloy-tuloy pa rin – CAAP

Paghahanap sa nawawalang Cessna sa Isabela, tuloy-tuloy pa rin – CAAP

February 19, 2023 @ 11:30 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nagpapatuloy pa rin ang paghahanap sa nawalang Cessna plane sa Isabela noong Enero.

“Tuloy-tuloy pa rin simula noong ma-declare ‘yan noong January 24 na missing. Hanggang ngayon ay tuloy-tuloy. Ngayong umaga magpapalipad pa rin tayo ng ating air assets if weather permits,” sinabi ni Civil Aviation Authority of the Philippines spokesperson Eric Apolonio sa panayam ng DZBB.

Ani Apolonio, naglabas na ang CAAP ng notice to airmen (NOTAM) nitong Sabado, Pebrero 18 ng flight ban mula Cauayan, Isabela hanggang Bongabon, Nueva Ecija dahil natukoy nilang wala sa naturang flight path ang nawawalang eroplano.

“Na-lift natin ‘yung in-issue nating pagbabawal na paglipad between Cauayan to Bongabon. Open na sa commercial operations dahil wala doon sa area na ‘yon ‘yung ating hinahanap,” aniya.

Matatandaan na noong Enero 24 ay umalis sa Cauayan Airport, Isabela ang
Cessna C206 plane RPC 1174 patungo sana sa bayan ng Maconacon.

May sakay ang nasabing eroplano na limang pasahero at piloto nito.

Ilang minuto naman makalipas ang pag-alis nito sa nasabing paliparan, nawalan na ng komunikasyon ang air traffic controllers sa piloto ng Cessna plane.

Kasunod nito ay agad na nagkasa ng operasyon ang CAAP at Isabela Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa paghahanap sa nasabing eroplano.

Tumulong na rin dito ang iba pang ahensya ng pamahalaan, indigenous people (IP) at mga pribadong sektor. RNT/JGC