Paghahanda ng MPD sa inagurasyon ni PBBM, puspusan

Paghahanda ng MPD sa inagurasyon ni PBBM, puspusan

June 19, 2022 @ 4:00 PM 1 week ago


MANILA, Philippines- Sinabi ni MPD Director P/Brig. Gen. Leo Francisco na tuloy-tuloy ang kanilang coordination conferences bilang paghahanda sa inagurasyon ni President-elect Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa Hunyo 30 na gaganapin sa National Museum.

Katunayan nakatakda nang isagawa ang simulation exercise sa susunod na Linggo para matiyak na magiging maayos ang programa.

Tiniyak din ni Gen.Francisco na mahigpit ang seguridad na kanilang ipatutupad kung saan aabot ng 7,000 hanggang 8,000 kapulisan ang ipakakalat sa National Museum at sa paligid nito.

Ayon naman kay MPD-PIO chief Major Philipp Ines, dalawang oras na isasara ang mga kalsada malapit sa pagdadaosan ng inagurasyon.

“Titignan natin yung aktuwal na paglalatag ng hanay natin diyan, mga MPD personnel at iba pa nating kasama dito sa gaganaping event na ito”, sabi ni Major Ines.

Dagdag pa ng tagapagsalita ng MPD, napaka-special ang naturang aktibidad kaya hindi aniya papayag ang mga kapulisan na magkaroon ng kahit anumang bulilyaso dahil ang buong mundo ay nakatingin sa nasabing kaganapan.

Ilan lamang sa isasarang kalsada ay ang Finance Road, P.Burgos at Taft Avenue.

Una nang sinabi ni Gen.Francisco na walang natatanggap ang kapulisyahan na banta sa seguridad sa Maynila partikular sa nasabing aktibidad.

Kung sakali man aniyang nagkakaroon ng ganyang impormasyon ay makakaasa ang publiko na tuloy-tuloy ang kanilang pakikipag-coordinate. Jocelyn Tabangcura-Domenden