Pagkaantala ng flights, asahan sa domino effect ng PH airspace shutdown – airlines

Pagkaantala ng flights, asahan sa domino effect ng PH airspace shutdown – airlines

January 2, 2023 @ 12:30 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Ilang airlines ang nag-abiso nitong Lunes sa mga pasahero na asahan ang mas maraming pagkaantala ng flights at kanselasyon nito dahil sa domino effect ng pansamantalang shutdown ng Philippine airspace nitong Linggo.

Sinabi ni Philippine Airlines spokesperson Cielo Villaluna na inaasahang babalik ang stranded aircrafts sa bases sa loob ng 72 oras.

“Within this 72-hour period, hindi ibig sabihin na ‘yung mga flights na mag-ooperate sa araw na ito ay en punto makakaalis because may domino effect po ‘yan,” paliwanag niya.

“To manage the expectations of all passengers, kung may flight po kayo ngayon at wala naman abiso regarding cancellation, please expect flight delays,” dagdag niya.

Sa hiwalay na panayam, sinabi ni AirAsia Philippines external communications and public affairs manager Carlo Carongoy na inaasahan nila ang delays sa ilang flights dahil sa temporary closure.

“Bagamat may mga lumipad po kanina, we expect din po may ilang minutong delays po ‘yan gawa ng pangyayari kahapon,” pahayag niya.

Nag-abiso ang airlines sa mga pasahero na regular na i-check ang status ng kanilang flights at mag-antabay sa mga anunsyo.

Samantala, nilinaw naman ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) nitong Lunes na ang mga ispekulasyon na na-hack ang sistema nito kasunod ng glitch na nagsara sa Philippine airspace nitong New Year’s Day.

Sinabi ni CAAP spokesperson Eric Apolonio na ang Communications, Navigation and Surveillance Systems for Air Traffic Management (CNS/ATM) ay ang “most well-secured facility” ng CAAP.

Hindi bababa sa 282 flights ang “canceled, diverted, or delayed” nitong Linggo, sa naitalang technical issue ng CAAP sa Philippine Air Traffic Management Center (ATMC), alas-9:50 ng umaga.

Halos 56,000 pasahero ang apektado sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sinabi naman ng Transport officials nitong Linggo na ang “outdated” system ang mitsa ng glitch na dahilan ng pagsasara ng Philippine airspace. RNT/SA