Pagkakaisa ng PDP Laban sa Kamara, inaayos na

Pagkakaisa ng PDP Laban sa Kamara, inaayos na

July 30, 2018 @ 2:58 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Matapos magkahati-hati dahil sa House Speakership, nakatuon na ngayon ang administration congressmen na pagkaisahin muli ang kanilang mga miyembro.

Ayon kay PDP-Laban Member Quezon City Rep Winston Castelo, sinabihan na sila na hindi aalisin sa ruling party ang bumoto kay House Speaker Gloria Macapagal Arroyo, ito umano ay panimula na para magkaroon muli sila ng harmonious relationship.

“Nais natin na maibalik uli yung magandang relasyon sa loob ng partido at pagtuunan ng pansin ang pagpapalakas ng impluwensya para sa makabuluhang programa at proyekto ng gobyerno” pahayag ni Castelo

Si Negros Occidental Rep. Albee Benitez ang siyang itinalaga ng partido para “mediator” sa dalawang nabuong paksyon, ang paksyon ng mga PDP-Laban na kaalyado ni dating House Speaker Pantaleon Alvarez at PDP-Laban members na bumoto pabor kay House Speaker Gloria Macapagal Arroyo.

Sinabi ni Castelo na civil at maayos ang pakikitungo ng bawat miyembro mula sa GMA faction at ang mga nasa panig ni Alvarez, aniya, wala namang pagbabago sa loob ng kanilang partido at walang matatanggal sa kaila ng naging paksyon.

Samantala, inirekomenda naman ni Castelo na ilagay sa mataas na posisyon sa PDP-Laban si Arroyo, aniya, nararapat lamang ito dahil siya na ang House Speaker ng Kamara.

“Magiging beneficial ito sa mga PDP-Laban members dahil makapagbibigay ng impluwensya si Speaker Arroyo sa mga programa at iba pang pangangailangan ng mga house members at kanilang mga constituents” dagdag pa ni Castelo.

Suhestiyon ni Castelo na ilagay ng partido si Arroyo bilang Secretary General, ito ang pwestong hawak sa ngayon ni Alvarez sa partido. (Gail Mendoza)