Pagkakaisa ng Pinoy, sagot sa problema sa kalikasan: Cimatu

Pagkakaisa ng Pinoy, sagot sa problema sa kalikasan: Cimatu

February 27, 2020 @ 1:27 PM 2 years ago


Manila, Philippines – Para mabigyang solusyon ang problema sa kalikasan, nanawagan si Environment Secretary Roy A. Cimatu ng pagkakaisa sa mga Pilipino upang matulungan ang pamahalaan sa pangangalaga sa ating inang kalikasan.

 

Sa kanyang talumpati sa pagbubukas ng 3rd Philippine Environment Summit (PES) na ginanap sa Cagayan de Oro City nitong Miyerkules, Pebrero 26, sinabi ni Cimatu na napapanahon na upang magkaisa ang sambayang Pilipino dahil na rin sa ginagawang pagtutok ng Duterte administration sa pagpapatupad ng environmental laws.

 

Batay sa keynote address ni Cimatu na binasa ni DENR Undersecretary Juan Miguel Cuna, binanggit nito ang rehabilitasyon ng Boracay kung saan ay anim na buwan itong isinara sa publiko noong 2018 dahil na rin sa polusyon at “overdevelopment”. Bagama’t marami ang komontra sa pagpapasara dahil na rin sa kanilang pansariling interes ay itinuloy pa rin ito ng kalihim.

 

Ayon kay Cimatu, kung hindi pansamantalang isinara ang Boracay para sa rehabilitasyon, malamang na hanggang ngayon ay mananatili itong marumi hanggang sa tuluyan itong magsara dahil na rin sa walang patumanggang pagdumi ng tao sa kapaligiran.

 

“This underscores the urgency of achieving unity, now that we have mustered the political will, as never before, to confront rather than evade the environmental problems that have haunted our country and people,” paliwanag pa ni Cimatu.

 

Sa kanyang panawagan ng pagkakaisa, sinabi ni Cimatu na ang mga Pilipino “have not yet achieved that level of united consciousness needed to save our environment from the problems that humanity has caused.”

 

“Some simply don’t care. They dump their wastes anywhere convenient or tolerate others who do so. They waste water, mindless that many others lack access to water,” dagdag pa nito.

 

Kinondena rin ng DENR chief ang mga kumokontra sa pagpapatupad ng environmental laws at nagmamaliit sa gobyerno sa ginagawang rehabilitasyon sa mga nasirang kapaligiran.

 

Aniya, ang environmental problems ay hindi nangingilala ng magiging biktima at ang lahat ay maaaring mapabilang dito kahit na ano pa ang political party, ideology, religion, gender, age, race, nationality at ethnicity kaya’t panahon na upang ito ay harapin nang may pagkakaisa.

 

Ang PES ay isang biennial conference na nakatuon sa tema ng safe food, healthy environment at sustainable economy. Ito ay inorganisa ng DENR at Green Convergence Philippines sa pakikipagtulungan ng Forest Foundation Philippines at Energy Development Corporation.

 

Sa pamamagitan ng summit na ito ay magkakaroon ng lugar ang mga lider mula sa government, civil society, business academe at religious sector upang mailahad ang kanilang mga programa at proyekto para sa environmental practices tungo sa sustainable development.

 

Bilang pagbibigay ng paalala para sa tema ng PES 2020, idinagdag din ni Cimatu na kailangang tipirin ang paggamit ng ating likas na yaman at bawasan ang mga itinatapon dahil kasabay ng pag-unlad ay ang pagkasira naman ng ating planeta.

 

“Nature’s cyclical systems were disrupted and became linear; instead of matter being reused in cycles, it was conveniently but unsustainably thrown away as waste,” saad pa ni Cimatu.  Santi Celario